Hindi dumadali ang paglalakad ‘pag may kasama

by Sankage Steno

Alam mo bang ang average steps ng isang tao kada araw ay nasa 2,000 to 3,000 lang? Pero ang kailangan daw para maiwasan ang diabetes, sakit sa puso, stroke at labis na katabaan e 7,500 to 10,000 steps per day.

So ang ginawa ko, binilang ko kung ilang hakbang ang nagagawa ko mula sa inuupahang apartment hanggang sa office. Kung tama yung bilang ko (wala akong pedometer, sorry), meron akong 4,221 steps papunta sa office. E dahil naglalakad din ako madalas pauwi (maliban na lang kung may gala), sure na ‘kong nami-meet ko ang ideal number of steps per day.

Ito siguro yung isa sa dahilan kung bakit flat pa rin yung tiyan ko, unlike yung mga kababata ko na anlalaki na ng mga tiyan ngayon. Lol. Salamat sa hellish traffic sa EDSA at nadiskubre ko ang paglalakad papunta at pauwi ng trabaho.

Pero alam mo, hindi naman talaga ako naglalakad para maging malusog. Bonus na lang ‘yon. Dati nung nasa UP pa ‘ko, naglalakad ako kasi mas mabilis s’ya kesa mag-abang pa ng Ikot o Toki. Bukod sa mas mabilis, mas matipid din. Yung natitipid ko sa pamasahe, pinambibili ko na lang ng makakain o pinanlalalake tuwing Friday night.

Pero ang pinakadahilan ko talaga kung bakit ako naglalakad e dahil masarap s’ya sa pakiramdam. Mostly sa ulo ko yung effect n’ya, then bababa sa dibdib. Nakakaalis s’ya ng buhul-buhol na pag-iisip, ta’s nakakaluwag nang kaunti sa dibdib. Syempre mas mabilis pa ring umepekto yung yosi, pero nauna kong mahalin ang paglalakad.

Noong buhay pa si Papa, bata pa ‘ko at sobrang taba, nagpunta kami sa isang beach sa may La Union (o Pangasinan?). Pagdating namin sa resort, sobrang lakas ng alon, na hindi na nakakatuwang lumusong sa dagat dahil sasampalin ka ng alon at makakainom ng maraming tubig-alat. Alam mo ang ginawa ko?

Naglakad.

Tinunton ko lang yung kahabaan ng dalampasigan. Kulang isang oras siguro akong nagpalakad-lakad sa gilid ng dagat hanggang sa makatanaw ako ng ilog sa di kalayuan. Ito yung dulo ng ilog na sumasalubong sa dagat. Nakita ko na andun yung karamihan ng turista at naliligo. Wala kasing alon at tamang-tama lang yung lalim n’ya.

Hindi na ‘ko dumiretso pa sa ilog. Kumakabog yung dibdib ko sa sobrang atat na makabalik sa cottage namin. Tumakbo na ‘ko hanggang sa matanaw ko yung mga kasama ko makalipas ang kulang kalahating oras. Sabi ko, “May ilog dun sa malayo, walang alon.”

Ayun, sinundan nila ako. Ang di nila alam, sobrang layong lakaran n’ya. Medyo nagrereklamo na yung iba, pati si Papa, pero nung makarating kami sa ilog, tuwang-tuwa naman silang lahat. Feeling ko talaga hero ako nung mga panahong ‘yon. I saved the day, I saved our vacation. Simula no’n, di na ‘ko tumigil sa paglalakad.

Hanggang ngayon, kapag may gusto akong puntahan, madalas nilalakad ko lang kahit kailangan nang i-tricycle o i-bus minsan. Pinapagalitan na nga ako ni Mama kapag nalalaman n’yang nilalakad ko lang yung ganitong lugar pauwi sa amin o kapag nilalakad ko lang yung SM mula sa bahay. Kesyo baka ma-heatstroke ako o madukutan sa daan. Kesyo malayo raw.

Sinasabi ko na lang, “Ma, bundok nga inaakyat-baba ko, kapatagan pa kaya?”

Never kong sinabi sa kanya na I love walking. Alam na n’ya ‘yon.

Speaking of madukutan, naalala ko noong 2009, libing ni Cory Aquino, lumiban ako sa trabaho para makita yung prusisyon ng kabaong n’ya sa may Roxas Blvd. Balak ko sanang mag-half day lang, pero dahil nadala ako sa mga nasaksihan ko, sumama na ‘ko sa mga nakatapak na babae at sinundan yung truck ng labi ni Cory.

Naglakad ako mula Traders Hotel hanggang SM Bicutan. Inabot din ako ng kulang-kulang anim na oras sa paglalakad.

Pagdating pa lang namin sa may Quirino Ave., napansin ko nang wala na yung cellphone ko sa bulsa. Kebs na lang. Tumuloy pa rin ako sa paglalakad. Naligo na rin ako sa ulan at sa tubig ng bumbero na nagpapaulan sa tuwing madadaan kami sa istasyon nila. Naligo rin ako sa confetti na ibinubuhos ng helicopter na lumilipad sa taas namin. Imaginin mo hitsura ko pagkatapos.

Iika-ika akong umuwi. Pati buong weekend, di pa rin ako makalakad nang diretso.

Ang huling matinding lakaran na ginawa ko kamakailan lang e nung nagpunta ako kay Whang-Od sa Buscalan sa Kalinga. Isang oras lang naman na akyat sa bundok ‘yon, pero kasi mainit at matarik yung daanan. Idagdag mo pa yung puyat at pagod ko sa mahabang biyahe. Tapos pagdating namin doon sa baryo nila, panibagong sakit na naman sa katawan.

Pero masaya naman akong umuwi noong panahong ‘yon. Masaya rin ako habang hirap na nilalakad yung makipot na daan sa gilid ng bundok kasama yung mga kaibigan ko. Hindi man naging madali yung paglalakad ko, at least may kasama akong hirap din. Haha!

Sana maging ganun din yung kahantungan ng mga natitirang taon sa buhay ko (which I believe e marami-rami pang dekada, please): Gusto kong maglakad nang malayo, kahit pa matarik o mainit, kahit ga’no pa kahirap, basta ba may kasabay ako.