Gusto mong umangkas?

by Sankage Steno

Bongao, Tawi-Tawi—Nakaangkas ako sa habal-habal ni Kuya Ladz nang dahan-dahan kong itinaas yung dalawa kong kamay at saka tumingala sa langit. Habang sinasampal ako ng malakas na hangin, amuy na amoy ko yung dagat sa gilid ng dinadaanan namin. Gusto ko sanang humiyaw, pero sa isip ko na lang isinigaw na…

Ang sarap mabuhay.

Basco, Batanes—Umarkila ako ng motorsiklo sa nag-iisang gasoline station na nakita ko sa Batanes matapos akong mag-volunteer na magpa-unload sa eroplano dahil sa lakas ng hangin. Nabigyan naman ako ng libreng accommodation at roundtrip ticket anywhere sa Pinas.

Nakiangkas sa akin yung isa pang turistang nagpa-unload at naging kaibigan ko roon. Muli naming nilibot yung isla ng Batan kahit napuntahan na namin s’ya noong mga nagdaang araw. Ibang klase pala sa pakiramdam kapag ikaw ang nagmamaneho ng motor at naglilibot sa isla. Kahit muntik na kaming mahulog sa bangin dahil sa lakas ng hangin, sobrang saya pa rin.

Para akong lumilipad sa lupa.

Manolo Fortich, Bukidnon—Pababa na kami ng kaibigan ko galing sa Dahilayan Adventure Park. Siksikan kami sa habal-habal na inarkila namin, pero ayos lang naman. Kailangan namin yung init dahil nahahalikan na kami ng mga ulap habang bumababa ng bundok. Ang lamig, ang sarap.

Kung hindi nga lang malubak at maputik yung dinadaanan namin, baka itinaas ko yung mga kamay ko at nakipagtalik sa hamog na sumasalubong sa ‘min. Nakuntento na lang ako sa mga halik nila. Hindi na masama. Sa katunayan, para ngang kalasa s’ya ng mga hinog na pinya mula sa tanimang dinaanan namin.

Ang tamis lang.

Sa probinsya ko lang nae-enjoy ang pagsakay sa motorsiklo. Kapag dito sa Maynila, kinakabahan ako. Ang dami ko na rin kasing nakitang aksidente sa EDSA na sangkot yung mga nakamotor. Ang titigas naman kasi ng ulo nila. Kung saan-saan sumusuot at hindi napipirmi sa isang lane lang. Kahit naman naka-helmet sila, kapag nasagi ng mas malaking sasakyan, disgrasya pa rin.

Sana sa probinsya na lang ako nagtatrabaho para makabili ako ng sarili kong motor. Doon kasi, kaunti ang mga sasakyang kaagaw mo sa kakarampot na kalsada. Hindi rin masyadong mausok. Sariwa ang hangin. Higit sa lahat, maganda ang tanawin.

Ang sarap magpatakbo nang mabilis lalo na kung may nakayakap sa ‘yo sa likod.