Halimaw ka

by Sankage Steno

The justifications of men who kill should always be heard with skepticism.

‘Yan ang sabi ng halimaw kay Conor sa librong A Monster Calls ni Patrick Ness, pero pwede ko rin ‘yang sabihin sa ‘yo kung isa ka sa mga pabor sa nangyayaring extrajudicial killings ngayon.

Nauubusan na ‘ko ng paliwanag, pero ayos lang. Kahit naman anong paliwanag ang gawin ko, kung patay na patay ka sa mga patayan ngayon, hindi ko talaga mababago ‘yang isip mo. Gayunpaman, hindi ako titigil sa pag-iingay kung para lang din sa ikabubwisit mo. Sapat na ‘yon.

If you speak the truth … you will be able to face whatever comes.

And here’s the truth: Sa huling tala ng Inquirer sa kanilang The Kill List, may 331 Pilipino na ang pinatay o napatay magmula nang maluklok si Duterte sa kanyang pwesto, at 378 naman simula noong manalo s’ya sa halalan.

Ito pa ang isang katotohanan, echoing Michelle Vale Cruz’s FB post:

Yung awang-awa ka pa at may paiyak-iyak ka pa noon habang nanonood ng Miracle in Cell No. 7 tapos sasabihin mo ngayon na hindi kailangan ng due process.

Para sa iyong hindi nakapag-aral ng Philippine Constitution, o kinalimutan na ito dahil tingin mo ay hindi s’ya mahalaga sa buhay, gusto ko lang ulitin sa ‘yo ang nakasaad sa Sec. 1, Art. III ng ating Saligang Batas:

No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the laws.

Ibig sabihin, dapat ka pa ring sumailalim sa due process kahit ikaw pa ang pinakamasamang kriminal na nahuli sa akto, kahit ikaw pa si Adolf Hitler (na dumaan din sa due process, would you believe?). Iyan ang nakalagay sa batas nating paulit-ulit na sinusuway ng mga pulis (at ng pangulo) na dapat sanang nagpapatupad nito.

Alam mo kasi, lahat tayo e may dahilan kung bakit natin ginagawa ang mga ginagawa natin. Kung nagtulak ka man o gumamit ng droga, sigurado akong may dahilan ‘yan. Pwedeng dala ng kahirapan o naloko ka lang o marami kang problema sa buhay. Ano pa man ‘yan, hindi kamatayan ang sagot.

Dahil sabi nga ng halimaw sa binasa kong nobela,

There is not always a good guy. Nor is there always a bad one. Most people are somewhere in between.

Don’t get me wrong. Hindi ko sinasabing palampasin na lang natin ang ginawa nila. Dapat pa rin silang parusahan, pero wala sa batas natin ang pagpatay, lalo na yung pagpatay nang walang nangyayaring paglilitis.

Kung hindi ka pa rin kumbinsido, fine, have it your way. Babala lang: ‘Wag kang pakampante na hindi mangyayari sa ‘yo ang nangyari sa mga biktima ng EJK. Pwedeng ikaw o ang mahal mo sa buhay ang susunod na babarilin, babalutin ng packing tape at lalagyan ng kartong may nakasulat na “Pusher ako. Wag tularan.”

Wala pang isang buwan sa pwesto ang ating pangulo. Mahaba-haba pa ang oras n’ya para mabiktima ka o ako o kahit na sino sa atin. Dahil sabi nga ng halimaw (na mas mabait sa ‘yo) sa binasa kong nobela,

Stories don’t always have happy endings.