Nabahag ang buntot

by Sankage Steno

Nasaan na ang maiingay na miyembro ng Left ngayong sunud-sunod ang paglabag sa karapatang-pantao ng maraming mahihirap na Pilipino? Ngayong sunud-sunod ang pagpatay sa mga nasa laylayan ng lipunan?

Ay, busy nga pala sila sa pagmiminindal kahapon kasama ang pangulo sa loob ng isang air-conditioned room sa Batasan.

Sa isang banda, nakakatuwang pagmasdan na walang nanggulo sa kalsada kahapon habang nagbibigay ng talumpati ang pangulo. Nakakapanibago ring walang effigy na sinunog ang mga aktbista. Malaki rin ang natipid nila ngayong taon.

Ang nakita ko lang kahapon e yung humigit-kumulang 20 estudyante ng UP na nahiga sa gilid ng Commonwealth Avenue at nagpatay-patayan para iprotesta ang lumalagong extrajudicial killings sa bansa. Kudos sa inyo. Akala ko e naging tuta na ng administrasyon ang lahat ng taga-UP.

Naalala ko noong college student pa lang ako, dinukot ng militar sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, mga aktibistang estudyente ng UP. Noong mga panahong ‘yon, kabi-kabila ang protesta ng mga miyembro ng Left, sobra ang galit nila di lang sa mga sundalo, kundi pati sa commander-in-chief nila noon na si Gloria Arroyo.

Sampung taon matapos ang pandurukot, nakalaya na si GMA, pero ni isang sigaw mula sa mga miyembro ng Left patungkol dito, wala akong narinig kahapon. At ngayong kabi-kabila ang pagpatay sa mga mahihirap na Pilipinong sangkot diumano sa droga, tameme rin sila.

Mga nabahag ang buntot.

Hoy, kayong mga Left, anong masasabi n’yo sa pagpatay kina Julius Rabina, Jefferson Bunuan at, ngayon lang, kay Rowena Tiamson? Porke ba hindi sila aktibista, mananahimik na lang kayo? Porke mga lumpenproletariat lang sila at walang pakinabang sa rebolusyon n’yo, hindi na kayo mag-aaklas?

Ano ba talaga ang ipinaglalaban n’yo, ang kapakanan ng mahihirap na Pilipino o kapangyarihan para maisakatuparan ang ideolohiya n’yo? Talaga bang puro papuri na lang ang ibibigay n’yo sa kasalukuyang administrasyon ngayong nabigyan na kayo ng katiting na kapangyarihan? Masaya na kayo dahil  may pampondo na kayo sa inyong pansariling interes?

Bumaba na ang tingin ko sa inyo.

Kaunting kapangyarihan at matatamis na pangako lang pala ang makakapagpatahimik sa inyo. Ngayon alam ko na kung pa’no ko kayo pakikisamahan kapag ako na ang pangulo ng Pilipinas. I can hardly wait for the next bloody purge of your own members.

Advertisements