Walang bantay

by Sankage Steno

Namatay ang tita ko noong 2012/2013 dahil sa breast cancer. December 31, salubong sa bagong taon, nang sinabayan ng pagtangis namin ang mga paputok sa labas ng bahay.

Isang gabi, noong kakaunti na lamang yung mga dalaw dahil nagsiuwian na, nagpasya akong matulog at ‘wag na munang maglamay. Umakyat ako sa kwarto ko, nagpatay ng ilaw at saka nahiga sa kama. Dahil siguro sa ilang gabing puyat, agad naman akong nakatulog.

Light sleeper ako, maliban na lang kung sobrang pagod at puyat. Pero nung gabing ‘yon, kahit kulang na kulang ako sa tulog, hindi pa rin ako nahimbing. Alam mo kung bakit?

Bigla kasing may dalawang kamay na humawak sa magkabilang pisngi ko. E kung matulog pa naman ako minsan e parang patay yung posisyon ko. Diretsong-diretso lang, tapos nakapatong yung dalawang kamay sa tiyan. Ang lamig nung mga kamay na dumampi sa pisngi ko, pero di agad ako bumangon sa pag-aakalang nananaginip lang ako.

Maya-maya pa, maliban sa kamay na nakadampi sa mga pisngi ko, naramdaman kong may ulong tumapat sa mukha ko. Nakapikit pa rin ako pero pakiramdam ko talaga e may ka-face to face ako. Hindi pa rin ako bumangon.

E tumawa bigla.

Ako, okay lang sa ‘kin yung mga kilabot, yung mga mabibigat na pakiramdam, pero kapag narinig ko na o nakita o naamoy, ibang usapan na ‘yan.

Biglang bangon ako at patakbong bumaba sa sala kung saan nakaburol yung tita ko. Wala palang nagbabantay. Umupo ako sa tapat ng kabaong n’ya at doon na naghintay ng umaga. Nakita ako ng ilang kamag-anak at tinanong kung bakit di pa ‘ko natutulog e wala namang bisita.

Sinabi kong nagparamdam sa ‘kin yung tita ko, sabay kwento nung nangyari.

Kilala ko yung tawa ng tita ko, the same way na kilala ko ang tawa at boses ng lahat ng taong malapit sa akin, kaya alam kong s’ya yung humawak sa mga pisngi ko at tumawa na parang nakikipagharutan sa mga maliliit n’yang pamangkin.

——-

Naikwento ko na ‘to nang pahapyaw noong isang taon, pero ngayon ko lang idinetalye. Ang tagal ko na kasing hindi nakakaramdam o nakakakita ng kakaiba. Nakaka-miss lang. Gusto ko na s’yang masundan para may maikwento ako rito.