14th month bogus

by Sankage Steno

Allow me to be the Miriam Defensor-Santiago in this country too full of Tito Sottos.

Kahapon, nag-file ang Eat Bulaga senator ng Senate Bill No. 2 na naglalayong bigyan ng 14th month pay o bonus ang mga empleyado sa pribadong sektor. Nakakatuwa, di po ba? Sa wakas, parang may nagawa na ring tama itong ating senador na dabarkad.

Not too fast, Mr. Plagiarizer.

Gaya ng laging sambit ni MDS noong presidential debate sa mga kalaban n’ya sa pagkapangulo sa tuwing mangangako sila ng proyekto: Saan mo kukunin ang pera?

Hindi naman gobyerno ang magbibigay ng pera sa mga kumpanya para may ipampabonus sila sa mga empleyado. Sariling gastos ng mga kumpanya po ito. Syempre sila ang unang aalma at kokontra sa bill na ‘yan, kaya malamang sa malamang e hindi magiging batas ‘yan.

So sad.

Alam mo kasi, yung iba nating mga batas tulad ng discount sa pamasahe ng estudyante at discount para sa mga senior citizen, madalas e mga kumpanya ang sumasagot d’yan. Sila yung lugi. Di tulad sa ibang bansa na naglalabas ng pondo ang gobyerno para i-subsidize yung mga student at senior citizen nila.

Ano na lang ang pwedeng mangyari kung magkakaroon nga ng 14th month pay? Narito ang ilang naiisip ko:

  • Maaaring malugi ang kumpanya. Yun ngang kumpanya ko dati sa Makati, late at installment ang bigay ng 13th month pay, paano pa sa 14th month bonus? Baka magsara na sila nang tuluyan.
  • Kapag nalugi o nagsara ang kumpanya, marami ang mawawalan ng trabaho. Wala ka na ngang 14th month pay, wala ka pang sweldo.
  • Mapipilitang humanap ng ibang lokasyon ang BPO companies at iba pang mamumuhunan dahil tataas ang labor cost sa bansa.

Sasabihin mo, “Ikaw naman, Sankage Steno, puro ka kontra. Give him the benefit of the doubt. Malay mo maisabatas ‘yan, e di happy lahat.”

Wrong! Naniniwala akong may trade-off ang bill na ‘yan kapag naging batas. I won’t repeat myself, so I’ll just give you another reason kung bakit hindi maganda ‘yang bill na ‘yan:

Lalong dadami ang contractual o project-based employees.

Syempre nga naman. Kapag di naging regular ang isang empleyado, hindi rin s’ya entitled tumanggap ng benefits, kabilang na ang 13th o 14th month pay. Every 5 months, papalitan ka na sa posisyon mo. That’s the harsh reality of our capitalistic world. (Socialism na? Oh please.)

Sa halip na 14th month pay ang isulong, taasan na lang nila yung minimum wage ng mga worker at bawasan ang income tax nating mga empleyado para mas malaki yung maiuwi nating sahod. ‘Yan dapat, Mr. Plagiarizer. Sa gobyerno rin naman ang balik nun e kapag gumastos tayo o bumili ng kung anik-anik. Ang laki kaya ng VAT at sin tax.