Ubos biyaya syndrome

by Sankage Steno

Noong nanalo ako ng isang milyong piso (minus 20% tax) sa The Singing Bee noong 2008, maliban sa “Pahingi ng balato,” ang laging sinasabi ng mga tao sa ‘kin tuwing makakasalubong o makikita ako ay, “Anong ginawa mo sa pera?”

Malaking bahagi no’n ay ipinundar ko sa negosyong hindi ko naingat at nalugi. Sinisisi ko yung mga kurakot sa palengke at sa munisipyo, pati yung mga negosyanteng mas mauutak sa ‘kin kung bakit s’ya nalugi, pero sinisisi ko rin yung sarili ko dahil hindi ako mahusay magpalago o magpaikot ng pera.

Nagpamudmod din ako ng salapi sa kung saan-saan at kung kani-kanino bilang donasyon o “utang” o tulong. Paraan na rin ‘yon ng pagpapasalamat ko sa napakalaking biyayang dumating sa ‘kin.

Ang perang napanalunan ko ay ibinigay ko rin syempre sa mama ko bilang regalo, pambayad ng utang, panggastos sa bahay at pangmatrikula ng tatlo kong kapatid.

Panghuli, malaking bahagi ng perang napanalunan ko ay ipinampagamot namin sa tita kong may breast cancer na namatay na noong 2012. Naospital din yung bunso kong kapatid noong mga panahong ‘yon kaya malaki rin yung naiambag ko para mapagaling s’ya. (Pinag-birthday ko rin pala s’ya sa Jollibee noong taong ‘yon.)

Wala akong nabili para sa sarili ko maliban sa graphic novel na Watchmen at sa bisikletang naipamana ko na rin sa kapatid ng lola ko. Di ko alam kung buo pa s’ya hanggang ngayon. (On second thought, unang sweldo ko pala sa Inquirer ang pinambili ko sa Watchmen.)

Hindi ko sinasabi ‘to para isipin mong mabait ako. Alam ko na ‘yon. At lahat naman tayo ay mabait, in many different ways. Sinasabi ko ‘to dahil isa sa maraming pagsisisi ko sa buhay ay yung hindi ko masyadong napasaya yung sarili ko gamit ang perang napanalunan ko sa Singing Bee.

Don’t get me wrong. Masaya naman ako dahil nakatulong ako sa iba.

Sinasabi ko rin ‘to dahil gusto kong ipaalam sa ‘yo kung ga’no kagastos ang magkasakit. Na kahit marami kang ipon (o perang napanalunan sa game show), madaling mauubos ‘yon kapag may kapamilya o kamag-anak kang nangailangan ng malaking halaga para pampagamot. Totoong magastos magkasakit.

At hindi lang naman sakit ang biglaang gastos na dumarating sa buhay. Nariyan yung mabubuntis sa ganire, masisira yung ganitong gamit, mawawasak yung isang parte ng bahay, madadagdagan ng 2 taon sa high school, madadagdagan ng palamunin sa bahay, magreretiro si ano, mawawalan ng trabaho si ganito.

Yung pagkapanalo ko sa game show, minsan lang sa buhay nangyayari (minsan nga hindi pa), pero yung mga gastusin, pirmis ‘yan sa buhay. Hindi nauubos. Hindi natatapos. Lumalaki pa nga nang lumalaki sa pagdaan ng panahon.

Kung may pera ka ngayon, siguraduhin mong lumalaki s’ya nang lumalaki sa pagdaan ng panahon. Kung alam mong hindi at nakaimpok lang sa bangko o nakatago sa kung saan, ‘wag kang masyadong kampante. Kung di ka man magka-cancer, baka sa pagkagalante ka mamulubi.

‘Wag kang ubos biyaya.

Advertisements