Nakakaiyak

by Sankage Steno

Define basang sisiw, besh. Ganun yung sitwasyon ko kanina sa Citizen’s Assembly sa Luneta. Di pa nga gumagaling yung ubo ko, nagpaulan na naman ako. The things I do for my country. Kalurks, besh. Pero happy naman.

Nakakaiyak yung hitsura ko kanina. Basang-basa sa ulan. Walang masisilungan. Walang malalapitan. Pero game na game pa rin kaming lahat na andun sa protesta laban sa paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Nakakataba ng puso. Iba’t ibang sektor, iba’t ibang political affiliations, iba’t ibang relihiyon, nagkaisa.

But I know that’s nowhere near the EDSA People Power Revolution.

Sabi ni Direk Joel Lamangan, na isa pala sa mga tinorture noong martial law years, nakakaiyak daw yung dami ng nagsidalo sa pagtitipon na ‘yon. Kahit daw malakas ang ulan, hindi nagpapigil ang mga tao. Pero mas nakakaiyak daw na yung ipinaglalaban nila noon, ipinaglalaban pa rin nila hanggang ngayon.

Ilang dekada na ang lumipas pero makapangyarihan pa rin ang mga Marcos. Ang laki pa rin ng impluwensya nila sa pulitika, sa bansa. At hanggang ngayon, dama pa rin natin ang epekto ng martial law, culturally and economically. Marami pa ring biktima ang hindi pa nakakamit ang hustisya. Talagang di pa tapos ang laban.

Nakakaiyak talaga. Kita naman sa langit, di ba?

Speaking of laban, natuwa ako sa speech ni Imao, isang visual artist. May hawak s’yang laser sword ni Voltes V. Hugot daw n’ya ‘yon o inspirasyon dahil nung panahon nila, tinanggal ni Marcos yung sikat na anime dahil masyado raw bayolente. So ngayon, ang panawagan n’ya, dapat daw ay mag-“Let’s volt in!” tayong mga Pilipino para labanan ang ano mang uri ng paniniil sa ating demokrasya.

And let’s volt in we did kanina. May mga taga-UP, Ateneo, La Salle, Assumption, Miriam at iba pang schools, plus yung mga kinatawan ng iba’t ibang NGOs, plus yung mga kinatawan ng simbahang Katolika, mga Muslim, atbp., at yung mga pulitikong tutol sa paglilibing kay Marcos sa LNMB.

Inulit ni Sen. Risa Hontiveros yung mensahe n’ya kay Duterte, na hindi raw masusugpo ang oligarkiya sa bansa kung paparangalan natin ang mismong nagpalawak ng oligarkiya rito.

Sabi naman ni Sen. Leila de Lima na humakot ng pinakamalakas na palakpakan, hindi raw si Marcos ang ililibing natin kundi tayo at ang ating kasaysayan. Mababalewala ang mga ipinaglaban natin noon.

Ayon naman kay Ifugao Rep. Teddy Baguilat Jr. na umawit pa ng katutubong awit (Ang ganda, I swear. Very atmospheric at enchanting for me.), malaking problema raw sa kanila yung mga millennials at mga katutubong kampi kay Marcos. Pero ipinapaliwanag naman n’ya lagi ang magiging dulot kapag tuluyang nailibing ang diktador sa LNMB.

Sabi naman ni Rep. Edcel Lagman na bitbit pa ang kanyang apo, mga deserving na sundalo at pangulo lang daw ang dapat ilibing sa LNMB.

Pinakatumatak sa akin yung sinabi ni Fr. Nonong Fajardo, lead convenor ng Huwag Kang Magnakaw Movement, “Yung isinuka natin, kakainin pa natin.” Tama naman, di ba? Yun din ang sentimyento ng Mama ko.

Natuwa rin ako sa input ng dalawang UP profs. Sina Dr. Ricardo Jose at Winnie Monsod. Nagbigay sila ng mga datos at patunay na hindi Golden Age ang martial law years at peke ang medals at war records ni Marcos. Nakaka-inspire talagang makita yung mga prof ko sa UP na patuloy pa ring lumalaban.

Kaya tuloy rin ang laban ko kahit may sakit. May gamot naman e. Haha! Kebs na lang din sa mga bashers at Marcos loyalists. Problema na nila kung di nila maintindihan ang halaga ng ginagawa namin. Nakakaiyak lang magbasa ng cancerous comments nila.

Pero nakakaiyak din naman sa tuwang malaman na marami pa rin kaming hindi nakakalimot at patuloy na nakikibaka para sa bayan.