Ad baculum

by Sankage Steno

Minsan talaga gusto ko na lang yayaing makipagsuntukan yung mga bobong nagko-comment sa Facebook posts, sa blogs, sa news, etc.

“Tara, papawis tayo saglit.” Ganyan. O kaya, “Ano, upakan kita d’yan e.”

Ang sarap kasing maghamon ng away o gulo. Rather, ang sarap maglabas ng galit sa ibang tao. Pero madalas dedmatology na lang. Luging-lugi kasi ako kapag nakipagsuntukan. Mas malaki yung masisira sa mukha ko kumpara sa mga mukha nilang sira na to begin with.

Yabang ko ‘no?

Tulad na lang nung nangyari kahapon, yung Citizen’s Assembly Against the Burial of Marcos in the Libingan ng mga Bayani. Ang daming nagsasabing waste of time daw at wala namang mangyayari dahil tuloy pa rin ang plano ni Duterte at ng mga tarantadong taksil na mga Marcos.

Yung ganitong mga tao ang masarap sipain nang padakot e. Sila yung gustung-gusto kong kinukutusan, kinokonyatan o tinatamburiki. Pwede rin namang batuhin ng bato. Kahit malabo ang mata ko e asintado naman ako sa mid-range. Salamat sa paglalaro ko ng patuan at tatsing noong kabataan ko.

Bukod sa wagas ang kanilang kabobohan, wagas din ang kakulangan nila sa konsensya. Hindi nila iniisip yung mga ni-rape, pinatay at tinorture noong martial law years. Balewala rin sa kanila yung bilyong pisong ninakaw ng mga Marcos na pinapakinabangan pa rin nila ngayon at patuloy nating binabayaran.

Hindi rin nila alam na kaya sila nakakapag-post ng kabobohan nila sa internet e dahil sa mga Pilipinong nagprotesta noon sa EDSA. Naibalik ang kalayaan natin. Napatalsik natin ang diktador. E ano bang alam nila sa kalayaan? Di naman nila naranasang mawalan no’n.

Commercial: Move on ba kamo? Move on na naman ang argument mo sa ‘kin? Sapakin kita tapos sabihin ko sa ‘yo, “Move on ka na lang, bes. Past is past. Forgive and forget.” Sapak pa lang ‘yan. Di ko pa pinapatay yung mga mahal mo sa buhay.

Sa halip na ipaliwanag ko ang kahalagahan ng pagpoprotesta, minsan mas gusto kong bugbugin na lang sila hanggang sa magprotesta sila sa ‘kin. Ipapatikim ko sa kanila ang sarap ng pag-angal kapag binasag ko na yung pagmumukha nila.

Waste of time? Walang mangyayari? Tara, paduguin ko ‘yang ilong mo.