Hindi pa rin tapos

by Sankage Steno

Ipapaalala ko lang yung sabi ni Primitivo “Tibo” Mijares sa sinulat n’yang libro, The Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos:

This book is unfinished. The Filipino shall finish it for me.

Sorry to burst your necrobubble, pero mukhang sad ang magiging ending ng libro mo. By September, mahihimlay na sa Libingan ng mga Bayani si FM, at balak pa s’yang bigyan ng military honors.

Nakakalungkot, di ba? Ikaw nga, yung bangkay mo, di na nakita, tapos yung bangkay ng nagpapatay sa ‘yo, mabibigyan pa ng karangalan. At ituturing pa s’yang “bayani.”

Ako na ang mauunang magsabi, “Patawad, Tibo.”

Ini-imagine ko pa lang na pinapatay yung anak mong si Boyet sa harap mo, naninikip na yung dibdib ko. At pagkatapos i-torture at paslangin ng mga sundalo yung anak mo, ikaw naman ang sinunod. At bakit? Dahil lang sa sinabi mo yung katotohanan? Napakasakit.

Wala akong kapangyarihang pigilan ang kagustuhan ng pangulo. Ang kaya ko lang ay mag-ingay at magpahayag ng pagtutol, tulad ng ginawa mo noon nang tumiwalag ka sa administrasyon ni Marcos. Nang tinigil mo ang pagiging Joseph Goebbels ng diktador. Nang pinili mo ang bayan bago ang sarili.

Gusto ko lang na malaman mong marami pa rin naman kaming di sang-ayon sa kagustuhang ito ng pangulo at ng pamilya Marcos. Nagkita-kita nga kami noong Linggo sa Luneta para magprotesta. E kaso matigas talaga ang ulo ng presidente, parang yung presidente mo lang noon.

May pag-asa pa naman. Baka maglabas ng TRO ang Korte Suprema para tutulan ang paglilibing kay Marcos sa LNMB. Sa ngayon kasi, tatlong petisyon na ang isinumite sa kanila ng mga biktima ng martial law. Sana lang talaga kumampi sa ating ang Korte.

Kung hindi, di bale, tuloy pa rin ang laban. Itutuloy ko pa rin at ng aking mga kasama. Gagawa ako ng paraan para mabigyan kayo ng hustisya. Hindi man ngayon, sa hinaharap, kapag mas kaya ko na. Tatapusin ko ang libro mo. Sa ngayon, itutuloy ko muna ang pag-iingay at pag-alala sa kabayanihan mo at ng iyong anak.

Salamat, Tibo. At patawad.