Economic suicide squad

by Sankage Steno

Noong isang buwan, naglalakad-lakad ako sa palibot ng opisina namin nang harangin ako ng dalawang Hapon (girl at boy) at isang Pilipino (boy, I think). Kinausap ako nung Pinoy at tinanong kung pwede raw ba akong ma-interview.

“Para sa’n?” sabi ko.

Magtatanong lang daw sila about kay Duterte.

Nangislap yung mga mata ko. Pero saglit lang. Baka kasi mahalata ni kuya. Napaisip muna ako bago ko s’ya tinanong ulit. “Sa’n lalabas ‘yan?”

“Sa Japan,” sagot n’ya.

“Ah okay.” Natatakot kasi akong magpa-interview sa TV lalo na kung dito sa Pilipinas lilitaw yung panayam. Baka kasi ma-discover ako. E ayoko pa namang sumikat. Lol. Ayoko talagang makilala ako ni Duterte o ni Bato at baka ako na yung isunod na mabigyan ng karton justice.

Pumayag ako sa panayam.

Hirap mag-English yung dalawang Hapon. Tinanong nila ako kung anong masasabi ko sa bagong administrasyon. Sinagot ko naman nang matino. Sabi ko, gusto ko yung adhikain n’yang mawala ang krimen at droga sa bansa, pero hindi kako ako naniniwalang masusugpo n’ya ‘yon in 3 to 6 months.

Sinabi ko rin na di ko gusto yung napalaya si GMA, yung planong pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani at yung extrajudicial killings.

Tinanong nila kung binoto ko raw ba si Duterte noong eleksyon. “No, I did not vote for him,” sabi ko with conviction habang nakangiti. “I chose a different candidate.”

Then, last Friday, tinawagan ako nung Pinoy na kasama nung dalawang Hapon. Nalimutan kong naibigay ko nga pala sa kanya yung cellphone number ko after nung interview.

Nangumusta lang s’ya at tinanong ako kung okay lang daw bang ma-interview ulit ako sa susunod kung may pagkakataon kasi maganda naman daw yung mga sinasabi ko at tama rin naman. Saka kailangan daw nila ng opposing views, siguro dahil karamihan ng nakakapanayam nila ay supporter ni Duterte.

Sabi ko, “Ayos lang naman basta hindi ikapapahamak ng buhay ko.”

In-assure n’ya kong safe daw, saka para raw talaga sa Japan yung ginagawa nilang interview. Apparently, nagse-survey pala ang mga kumpanya sa kanila kung ano yung kalagayan dito sa Pilipinas. Pinag-aaralan pa nila kung itutuloy ba nila ang pamumuhunan dito o hindi.

Medyo naalarma ako. Baka kasi dahil sa mga sinabi ko e hindi na mamuhunan ang mga negosyante sa bansa natin. Ayoko namang mangyari ‘yon, pero ayoko rin namang magsinungaling kung ano talaga ang nangyayari sa Pilipinas.

Tapos nabasa ko yung balita sa Business World kanina lang.

Sabi sa ulat, maging yung mga mamumuhunan na taga-Europe ay nagdadalawang-isip din na ituloy ang paglalagak ng pera nila sa bansa natin dahil nga sa nangyayaring extrajudicial killings. Nasa “wait and see” status muna sila kung ano ang kalalabasan ng kampanyang ito.

“There’s a hesitation at this point in time to really come in to the Philippines from an investment point of view because the people would rather be at a wait and see situation on how it turns out,” sabi ni Guenter Taus, presidente ng European Chamber of Commerce of the Philippines.

So hindi lang pala Japan ang hesitant sa pag-i-invest sa bansa, pati pala mga European countries. Malungkot na balita ‘to kung gayon. Baka mabalewala ang lahat ng economic gains natin sa mga nagdaang administrasyon kapag kakaunti ang foreign investors na pumapasok. Worse, baka mag-pull out din yung mga kumpanyang nandito na at ilipat sa Vietnam o China. Lalong dadami ang mawawalan ng trabaho.

Ang dami na ngang pinapatay na mahihirap na Pilipino dahil sa war on drugs ni Duterte, lalo pang dadami ang mamamatay dahil sa gutom. Huwag naman sanang humantong sa ganitong sitwasyon.