Kung makatingin ka naman

by Sankage Steno

Tingin nang tingin sa akin yung mga tao sa may labas ng Supreme Court at UP Manila. Nakuha pa talaga akong kausapin ng dalawang babae para lang tanungin kung sino kasama ko. Sabi ko wala, ako lang. Kahit yung mga motorista, pinagtitinginan ako. Ano bang problema n’yo?

Ngayon lang ba kayo nakakita ng raliyistang nakatodo-porma?

Naka-cream pants lang naman ako at white button-down shirt na ipinaragan ko sa pantalon. Tapos nagsuot ako ng brown belt with matching brown shoes. Doon lang nganga na kayo? Wala bang nagra-rally nang naka-corporate attire sa Pilipinas?

Alam n’yo, dapat nga lahat ng raliyista, nakatodo-postura para hindi binabastos ng mga tao. Ang dami kayang naiinis sa mga nagra-rally dahil ang gulo raw at nakakaabala lang. Siguro kung maganda lang ang suot nila habang nagpoprotesta tulad ng ginagawa ko, hindi magkakalakas ng loob na mambastos yung mga walang paninindigan sa buhay.

Oh well. ‘Pag yumaman ako, popondohan ko ng magagandang damit ang lahat ng mga nagra-rally sa kalye. Maliban na lang kung kahirapan ang idinadaing nila. Syempre kailangan gusgusin ka talaga kapag nag-rally.

I’m digressing, sorry.

So, yun nga, ang daming tingin nang tingin sa akin. Kahit yung mga media panay ang kuha ng picture at video footage sa side ko. Eto pa, kahit yung ibang raliyistang may camera phone, kinukuhanan din ako ng larawan. Ano ba! Hindi ako artista. Kapag ako nawalan ng trabaho dahil d’yan, tatamaan talaga kayo sa ‘kin.

Kahit nga hanggang sa coffee shop na tinambayan ko, sa LRT at MRT station, sa Jollibee, pinagtitinginan ako ng mga tao. Wala naman akong kulangot sa ilong. Akala n’yo ba Korean star ako? My gahd. So much for diversity and multiculturalism. Nakakailang kayo. Pinapalaki n’yo lalo ang ulo ko.

Ang hirap maging head-turner, pramis.

Alam n’yo, I love the attention pero ayokong masanay sa mga nakaw-tingin ninyo. Ang awkward kaya. Saka may sapat na ‘kong kayabangan sa katawan. Kapag nadagdagan pa, aawayin na ‘ko ng universe. I can’t let that happen. Wala pa ‘kong trenta anyos. Marami na nga akong kaaway. Ayoko namang lumagpas sa quota at this early age. Baka di na ‘ko umabot ng kwarenta.

Hay, grabe na ‘to. Dati-rati pera, pamilya, puso at Pilipinas lang ang pinoproblema ko. 4Ps ba. Ngayon, 5Ps na s’ya. Di ko inakalang darating ako sa puntong poproblemahin ko na rin ang pagiging pogi. Such a cruel, cruel world.