Pulis, pulis

by Sankage Steno

Kachikahan ako yung mga cute na pulis sa may picket line noong isang araw. Sa pagitan ng pagsigaw ko ng “Marcos, Hitler, dikatador, tuta!” e Q&A portion kami ng mga opisyal ng PNP na naka-assign sa rally sa may Supreme Court.

“Bawal kayo umalis, ser?” tanong ni Officer Sarabia sa ‘kin.

“Oo, ‘pag graduate ka ng UP, bawal ka muna magtrabaho abroad ng dalawang taon. Dapat dito muna sa bansa,” sabi ko kahit di naman totoo. Hindi ko nga alam kung saan nanggaling yung urban legend na ‘yon. Ang dami ko kayang kakilalang nag-abroad agad after grumaduate sa UP.

Tapos sigaw ulit, “MARCOS, HITLER, DIKTADOR, TUTA!”

“Pabor ba kayong ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani?” tanong ko kay Sarabia.

“Ako, ser, ayos lang sa ‘ken. Paniwala ko kasi, yun bang, ‘pag kasalanan ng ama, di naman namamana ng anak. Saka ba, ser, yung healing ba at unity. Para matapos na yung hidwaan ba.”

“Pero yung $10 billion na ninakaw ng mga Marcos, for sure naipamana ‘yon sa mga anak n’ya. Pinakikinabangan pa rin nila yung pera na ‘yon. Dollars ‘yun ha? Malaking halaga ‘yon lalo na noong martial law period.”

Sigaw na naman, “MARCOS, HITLER, DIKTADOR, TUTA!”

Ibang pulis naman ang kumausap sa ‘kin. “Ikaw ba, ser, bakit di ka pabor?” tanong ni Officer Mariategue.

“Maraming dahilan. Eto nga (pinakita ko yung picture ng martial law victim na hawak ko), yung mga biktima hindi pa nila nakakamit yung hustisya. Yung iba ni-rape, tinorture, pinatay, hindi na nakita yung bangkay. Buti nga si Marcos me bangkay. Tapos ngayon bibigyan pa natin ng military honors?”

Sigaw pa, “MARCOS, HITLER, DIKTADOR, TUTA!”

“Saka yung sinasabing healing,” sabi ko. “Kita mo ngayon, asa’n yung healing d’yan? Asa’n yung unity? Hanggang ngayon naman hati pa rin kami. Lalo pa ngang nauungkat yung mga ginawa nila noon.”

Tumangu-tango lang si Mariategue at si Sarabia.

“Ikaw ba?” tanong ko kay Mariategue.

“Neutral ako, ser. Pero sa ‘min, lahat sila di rin pabor. Yung mga kapatid ko, yung magulang ko. Anti-Marcos sila sa ‘men.”

Ako naman ang tumangu-tango bago sumigaw ng “MARCOS, HITLER, DIKTADOR, TUTA!”