Plan B

by Sankage Steno

Mukhang magkakatotoo nga ang sinasabing plan B ni former senator Bongbong Marcos.

Para po sa iyong kaalaman, ang anak ng “longest-serving” PH president ang nagsiwalat ng planong ito (siguro dahil na-foresee na n’yang matatalo s’ya kay Leni Robredo) apat na araw bago ang halalan noong May 10. Nakuha raw n’ya ang impormasyong ito sa mga kaibigan n’ya sa Liberal Party (na malamang ay PDP-Laban na ngayon).

Siguro totoo, siguro hindi, pero normal lang naman ang plan B sa kahit anong sitwasyon. Ang bobo mo kung wala kang plan B sa endeavors mo.

Anyway, syempre itinanggi ‘yon ng LP at ni Leni. Sabi ng huli, si Marcos daw itong may ambisyon talagang maging presidente at hindi siya. Kung ako ang tatanungin, mas paniniwalaan ko itong version na ‘to. Kung galing ka sa isang political clan, malamang sa malamang, mag-aambisyon ka talagang maging presidente balang araw.

Fast forward tayo sa kasalukuyan.

Naungkat na naman ang tungkol sa plan B na ‘yan, thanks to senator Alan Peter Cayetano (na idol ko pa naman noon dahil sa paninindigan n’ya pero parang nawalan ng prinsipyo ngayon at tila naging tuta na lang ng pangulo).

Dahil sa naganap na senate hearing kahapon kaugnay ng extrajudicial killings, kinwestyon ni Cayetano ang motibo ng paglalabas ng isang witness na dating miyembro umano ng Davao Death Squad, si Edgar Matobato. Baka raw pakana lang ito ng LP para matanggal sa pwesto si Duterte at mailuklok si Robredo.

I must say, ang tataba ng utak ng ating mga senador. Sana lang ginagamit nila ‘yon sa paggawa ng mahuhusay na batas at hindi sa pakikipag-away o sa paglikha ng tsismis at iba pang hakahaka.

Gaya ng inaasahan, itinanggi ulit ‘yon ni Leni na na-offend sa sinabi ni Cayetano. Sabi ng ating bise presidente, “We are offended by Senator Cayetano’s accusation that the Liberal Party is plotting to oust the President and that I will be the intended beneficiary of this plan… No such plan exists.”

Dahil ibinoto ko si Leni, paniniwalaan ko s’ya. Naniniwala rin naman ako nang kaunti sa plan B na laging ine-endorse nina Marcos at Cayetano. Sabi ko nga, hindi masamang magka-plan B.

Come to think of it, baka naman secretly ay kampi ang dalawa sa LP. Baka naman kaya nila laging binabanggit ang plan B e dahil gusto nga nilang magkatotoo ito. Wow, plot twist. Kapag nagkatotoo ‘yon, masasabing one for the books ito sa history ng pulitika sa bansa. Di mo na alam kung sino ang magkaaway o magkakampi talaga.

Game of Thrones?

Anyway, isang tao lang naman ang nakikita kong makakapag-activate sa plan B na ‘yan. Iyon ay walang iba kundi si Duterte. Kapag hindi siya umayos, pati ang mga taong nakapalibot sa kanya, s’ya na mismo ang gagawa ng sarili n’yang pagbagsak, which will pave the way for a Robredo presidency.

Dahil binoto ko nga si Leni, I won’t have any problem with that.