Mas mahusay si Duterte kay Marcos

by Sankage Steno

Nag-aalmusal ako ng masasamang balita kanina nang mapagtanto ko ang isang bagay: Konti na lang pala ang lamang ni Marcos kay Duterte sa dami ng mga Pilipinong pinatay sa ilalim ng administrasyon nila.

Parehong nasa tatlong libo mahigit ang pinatay sa pamumuno nila, pero wala pang tatlong buwan nasa pwesto si Duterte kaya malalampasan n’ya ang record ng longest-serving president ng Pilipinas. E humingi pa s’ya ng another 6 months na palugit para sa kanyang war on drugs (and crimes), patay na.

Nakakatawa, ‘no?

Noong campaign period, paniwalang-paniwala ang karamihan na masusugpo ni Duterte ang krimen sa bansa in 3 to 6 months. Tapos ngayon sinasabi n’yang hindi n’ya kayang gawin iyon at kailangan pa n’ya ng dagdag na panahon. I’m sure after a year hihingi ulit ‘yan ng extension. Baka hanggang 2022 papatay pa rin s’ya ng mga Pilipino.

Anyway, lamang pa rin naman si Marcos pagdating sa dami ng tinorture at pinadakip n’yang Pilipino. Mas marami rin ang ninakaw n’yang kayamanan ng Pilipinas. Tinatayang nasa $10 billion ang nakulimbat n’ya. Imagine that amount of money noong 1970s, tapos idagdag mo pa yung interes kung nakalagak s’ya sa bangko.

Yayamanin!

Si Duterte, maliban sa ghost employees n’ya sa Davao City, wala na ‘kong alam na corrupt practices. Pero gusto ko na ring idagdag yung milyong pisong nakuha n’ya noong kampanya mula sa mga donors n’ya. Sayang nga lang at natigil na ang pag-usisa sa bank account n’ya na isiniwalat ni Trillanes.

Pero mas mahusay pa rin si Duterte sa isang bagay: Iyon ay ang kanyang popularidad. Isipin mo, hindi na n’ya kailangang magdeklara ng martial law para patayin ang mga Pilipino. It’s a “constitutional dictatorship,” sabi nga ni Panelo. At sa suportang natatanggap ng pangulo, di malayong maisakatuparan ‘yon.

In fact, naghahari-harian na ang mga pulis ngayon. Ang lalakas na ng loob nilang pumatay dahil may backing sila ng pangulo. Di na ‘ko magugulat kung mananalong presidente o senador si Bato Dela Rosa sa 2022. ‘Wag naman sana.

Malapit na ring maghari-harian ang mga sundalo natin. Di ba sunud-sunod ang pagdalaw ni Duterte sa mga kampo ng militar nitong nagdaang dalawang buwan? Syempre nililigawan n’ya ang mga sundalo. Tapos, noong isang araw lang, tinurn over n’ya yung panibagong narco list sa AFP. Isa lang ang ibig sabihin no’n…

Kasali na ang mga sundalo sa war on drugs.

Nakaka-excite, di ba? Ilang libo o ilang milyon kaya sa atin ang mapapatay sa ilalim ng pamumuno ni Duterte? Sa tingin mo, kelan ka mapapatay ng pulis o sundalo natin? ‘Wag ka nang mag-deny. Di naman mahalaga kung drug addict ka o hinde. Pwede ka namang patayin kahit inosente ka. Lalagyan ka lang nila ng baril sa kamay at karton, tapos na ang kaso.

Ayos, di ba? Talagang kinakarir ng pangulo ang pagiging Idi Amin. Kitang-kita rin sa estilo ng kanyang pamumuno ang pag-idolo n’ya kay Marcos. Akma nga ang pamagat ng cover ng Time magazine para sa sitwasyon natin ngayon: Night falls on the Philippines.

Advertisements