Paano naging tulad ng Singapore ang Pilipinas

by Sankage Steno

Sa araw na ito noong 1972, sinimulan ni dating pangulong Ferdinand Marcos na gawing katulad ng Singapore ang Pilipinas.

Tulad ng Singapore, gusto ni Marcos na magdamot tayo sa likas na yaman at umasa sa yamang-tao ng bansa. Kaya ang ginawa niya, pinababa niya ang bilang ng trabaho sa Pilipinas para mapilitan ang mga Pilipinong mangibang-bansa. Sa gayon, kikita sila ng dolyar na ipapadala rito at gagamiting panggastos ng kanilang pamilya.

Sa dami ng OFWs (na dati ay kilala sa tawag na OCWs), natupad ang isa sa mga pangarap ni Marcos na mapakinabangan ang mga tao sa bansa. Sa katunayan, nakapagpadala rin tayo ng maraming domestic helpers sa Singapore. At ang pinakasikat sa kanila ay si Flor Contemplacion na inalay ang buhay para sa ikauunlad ng Pilipinas.

Nais din ni Marcos na paghusayin ang imprastraktura sa bansa gaya ng sa Singapore. Kaya ang ginawa niya, nangutang siya nang nangutang sa World Bank para ipanggastos sa pagpapagawa ng mga gusali, tulay at kalsada sa iba’t ibang panig ng bansa.

Siniguro ng dating pangulo na makikinabang ang maraming Pilipino sa perang ito, kaya naman ibinulsa niya ang malaking porsyento nito at inilagak sa Swiss banks para tumubo. Dahil dito, madarama pa rin natin nang husto ang inutang sa World Bank hanggang 2025.

Tulad sa Singapore, mahalaga sa kaunlaran ng bansa ang katahimikan. Kaya naman, pinasara ni Marcos ang mga media outfit sa bansa para maging tahimik ang  Pilipinas. Pinapunta rin niya sa mga kampo ng militar ang maraming aktibista para makapagbakasyon at makapag-aral nang mabuti tungkol sa bagong lipunan.

Sa sobrang ganda ng buhay sa loob ng mga kampo ng militar, maraming aktibista ang hindi na bumalik at pinili na lamang tumira doon.

Mahigit 40 taon makalipas ang pagsisimula ni Marcos ng planong Pinasingapore, damang-dama na natin ang kaunlaran at katahimikan sa bansa. Dahil sa bisa ng programang ito, nagpasya ang kasalukuyang pangulo na ipagpatuloy ang nasimulan ni Marcos.

Sa ngayon, isinusulong din ni Pangulong Duterte ang pagpapatahimik sa mga taong lumilikha ng kaguluhan sa bansa. Nagpasabog siya sa Davao City bilang hudyat ng kanyang pakikibaka para sa kapayapaan ng sambayanan.

Bilang panimula, inutusan niya ang pulisya upang kalingain ang mga taong may kinalaman sa droga. Sa loob lamang ng dalawang buwan, mahigit 2,000 na ang nabiyayaang makapunta sa kaharian ng diyos at makamit ang buhay na walang hanggan. Inatasan na rin niya ang mga sundalo para mapabilis ang pagpapadala ng mga Pilipino sa langit.

Inaasahang sa loob ng anim na buwan ay malalampasan na natin ang Singapore at magiging pinakamaunlad na bansa sa Timog-Silangang Asya. Bukod dito, nakatakda na ring kilalanin si Duterte bilang Supreme Leader ng Solar System. Isa rin siya sa mga napupusuang maging bagong Intergalactic Führer ng Milky Way Galaxy.