Wala na bang iba?

by Sankage Steno

Nakakasawa na ‘tong bangayan nina Duterte at De Lima, pati yung mga hearing sa Kongreso. Wala namang magandang naidudulot sa bansa. Pagandahan at palakasan lang sila ng sound bites. Ampapangit namang umarte. Hanggang kailan ba tayo magtitiis sa seryeng ‘to?

Kinakabahan kasi ako sa mga susunod na mangyayari. Eto nga’t may nangyari nang patayan sa loob ng Bilibid na binabantayan pa man din ng SAF troopers. Puro high-profile inmates pa ang sangkot sa naganap na riot. Sino pa kaya ang mga mamamatay na preso?

Tapos balak pang ipalabas sa hearing yung sex video raw ni De Lima. Juicecolored! Ano bang gustong mangyari ng mga kongresista natin sa plano nilang ito? Nagbabayad ba tayo ng tax na pinangsesweldo sa kanila para lang manood ng porn? Hindi na nga sexually appealing yung nasa video, gusto pang ipangalandakan sa buong mundo.

Pa’no ba tayo humantong sa tagpong ito?

Nakaka-miss tuloy yung mga debate noong di pa naisasabatas ang RH Bill. Ang tatalino ng usapan sa social media at sa mga balita. E ngayon, puro awayan na lang at siraan. Puro patayan at kantutan. Oh well, sex and violence sell nga naman. Di ko lang inasahang pati sa pulitika e magiging applicable s’ya.

Sana naman bumalik na sa paggawa ng mga makabuluhang batas itong mga mambabatas natin. Sana pagtalunan natin yung mga merit ng mga panukalang batas at hindi yung sex life o affair ng mga inihalal nating pulitiko. Nakakagago na talaga. And soon enough, magiging nakakasuka na s’ya. ‘Wag lang silang magkakamaling ipalabas nga yung sex video.

Kung di pa matatapos ang seryeng ito sa lalong madaling panahon, sana naman e gandahan nila yung script. Kung puro gantihan lang ang gagawin nila, lagyan naman nila ng matalinong plot twist. Hindi yung puro paawang salita o toilet humor. At ‘wag puro si De Lima ang tirahin nila. Babae lagi ang kinakayakayanan nila. Such a shame.

At ‘pag natapos na ‘to sa wakas (maybe in 2022), sana wala nang season 2.