Para makapag-out ka na

by Sankage Steno

For the first time, natuwa ako sa sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez. Balak daw niyang gawing legal ang same-sex union sa bansa. Panahon na raw para kilalanin natin ang constitutional rights ng lesbian, gay, bisexual and transgender community. In his own words, “I’m willing to sponsor same-sex marriage.”

Hindi ko alam kung papogi bill lang ito, pero I doubt it. Marami kasing magagalit sa kanya, unang-una na ang mga obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. Isama mo pa ang napakaraming conservative groups sa bansa at mga relihiyoso. Marami rin sa LGBT community ang takot magsalita dahil malaladlad sila.

Pero susuportahan ko ang bill na ito. Maghahanda na ako ng mga pam-post sa social media para sa inaasahang pagkontra dito kung sakali ngang umusad s’ya sa Kongreso. Sana naman.

Malaki kasi ang maitutulong nito sa mga katulad kong miyembro ng LGBT community. Unang-una, yung mga pribilehiyong natatamasa ng mga mag-asawa sa ilalim ng ating mga batas, maaari na ring matamasa ng mga LGBT people kapag nagpakasal sila sa huwes, hindi sa simbahan. Linawin po natin iyan.

Ang same-sex union ay hindi pagkakasal sa kahit anong simbahan. It is purely on a legal basis. Civil wedding, not church wedding. Hindi rin nito sinisiil ang karapatan ng mga straight na tao. Sa halip, pinapalawig lang nito ang ating batas para maisali ang mga LGBT nating kapatid. Kami ‘yon.

Malinaw po ba? Anong malabo?

Hindi rin makakasira sa pamilya ang pagkakaroon ng mag-asawang bakla o tomboy. Ilusyon lang ito ng mga konserbatibong takot sa pagbabago at hindi isinasaalang-alang ang damdamin, kakayahan at karapatan ng mga miyembro ng LGBT community. Paanong makakasira e bubuo pa nga ng mga bagong “uri” ng “makabagong” pamilya?

Kung ipagpipilitan mong god created Adam and Eve, and not Adam and Steve, tandaan po nating hindi Catholic o Christian ang ating konstitusyon. Wala po itong relihiyon. At tandaan din po nating maraming characters sa bible ang bakla at tomboy. Tanungin mo pa sina King David at Jonathan.

Pero ang pinakamahalaga para sa akin sa bill na ito kapag naisabatas, matutulungan nito ang napakaraming LGBT members na nasa kloseta pa rin na lumabas, lumantad, lumadlad at mamuhay nang mas malaya. Hindi naman mawawala ang diskriminasyon at panghuhusga ng mga tao. Pero kung may ganitong batas, makakapabigay ito ng karagdagang lakas ng loob.

Pasensyahan na nga lang sa mga bakla o tomboy na piniling magpakasal sa opposite sex kahit napipilitan lang. Wala pa kasing divorce sa bansa. Isa pa ‘yang kulang sa atin.