‘Hugot’ dapat ang Salita ng Taon

by Sankage Steno

Ngayon ko lang na-encounter yung salitang ‘fotobam.’ Ikaw ba? Alam kong photobomb talaga s’ya, pero fotobam? Never ko s’yang ginamit sa panulat (except ngayon) saka sa pananalita. ‘Photobomber’ ang madalas kong sinasabi, hindi fotobam. Di talaga ako makapaniwalang ito yung tinanghal na Salita ng Taon.

Dapat ang nanalo e ‘hugot’ o kaya e ‘milenyal.’ Actually, kung paramihan at pasikatan lang din ang labanan, baka karapatdapat pang maging salita ng taon ang ‘dutertard,’ ‘dilawan,’ ‘noytard,’ ‘presstitute’ o ‘bias.’ Nagki-cringe ako sa fotobam, sa totoo lang. Fotobam talaga?

Juskoday. Sa pagbaybay pa lang, mag-aaway na tayo.

Although nakikita ko naman yung pinanggagalingan n’ya, hano. Dahil siguro ‘selfie’ ang salita ng taon noong 2014 kaya related doon ang napili for this year. Tapos naging mainit na usapin din yung Torre de Manila sa Luneta Park kaya siguro pinili ng mga hurado ang fotobam. Pero tinalo n’ya yung hugot? No way!

Hindi siguro maganda yung presentation at paliwanag ng nagsumite ng salitang hugot. Baka puro hugot lang ang ginawa kaya di n’ya nakumbinse yung mga huradong masyadong teknikal at akademiko ang pagtingin (I think). O baka naman dapat palitan na ang batayan sa pagpili ng salita ng taon. Ang pangit kasi.

Sa pagpili ng Salita ng Taon, 50% ang ibinigay ng mga hurado sa nakasulat na paliwanag ng mga nagsumite, at 50% sa presentasyon ng mga ito sa kumperensiya nitong Huwebes.

Ibig sabihin, nakadepende sa husay ng nagpre-present at nagpapaliwanag yung pagpili sa salita ng taon. Hindi nila isinaalang-alang yung madlang pipol na gumagamit ng salita. Dapat kinonsidera din nila yung lawak ng paggamit at pagkakaintindi ng mga tao sa salita. Gudlak kung naiintindihan ng mga nasa liblib na lugar yung fotobam.

Biased din ako nang konti kasi mas tunog lokal yung hugot kesa fotobam. At sigurado akong mas maraming nakakaintindi at gumagamit sa kanya. Parang yung selfie lang. O yung ‘jejemon’ noong 2010 at ‘wangwang’ noong 2012.

Pa’no na lang yung hugot, ha? Pwede pa ba s’yang maging salita ng taon sa 2018? Every two years na lang yata ang pagpili ngayon e. Di tulad last decade na kada taon talaga. Kawawa naman yung hugot. For sure, huhugot na naman s’ya sa pagkatalong ‘to. Dapat talaga palitan na yung criteria. Hindi n’ya sinasalamin ang “Salita ng Taon.”

Of course, this is just my opinion. Feel free to disagree. Let me know what you think in the comment section.