Bakit ako na-traffic e si Duterte na ang pangulo? O kung paano maging fanatic sa panahon ng krisis sa transportasyon.

by Sankage Steno

Na-traffic ka ba kaninang umaga dahil sa baha? Umabot ba ng tatlong oras ang dating isang oras mong biyahe? Na-late ka ba o nag-half day sa trabaho o sa school?

Kung “Oo” ang sagot mo sa isa o higit pang mga tanong, tanungin mo ulit ang sarili mo, “Anong ginagawa ng gobyerno natin?”

O: Kung galit na galit ako noon kay P-Noy dahil sa matinding traffic, bakit di ko magawang magalit ngayon kay Duterte?

O: Kung hindi pa rin nalulutas ang problema sa traffic, paano makakatulong ang war on drugs sa mga pang-araw-araw kong suliranin?

O: Kung war on drugs ang talagang problema ng bansa, bakit nagdurusa pa rin ako araw-araw sa matinding traffic?

O: Bakit ako nagra-rant sa Facebook dahil sa traffic pero hindi ko sinisisi ang administrasyon ni Duterte?

O: Bakit ako fanatic?

Marami ka pang dapat itanong sa sarili pero baka masiraan ka na ng bait kapag ipinagpatuloy ko pa ang pagbibigay ng mga katanungan. Mas mabuti pa, sagutin mo na lang. At kung hindi mo gusto ang sagot mo, congrats. You’re on the right track.

At dahil nasa tamang landas na rin tayo, idadagdag ko na rin ang mga sumusunod:

  • Ang bagong NAIA 1 ay proyekto ng nagdaang administrasyon pero inaangkin ng kasalukuyang administrasyon.
  • Ang bagong expressway na nagdurugtong sa NAIA ay proyekto ng nagdaang administrasyon pero inaangkin ng kasalukuyang administrasyon.
  • Ang mga bagong MRT train cars ay proyekto ng nagdaang administrasyon pero inaangkin ng kasalukuyang administrasyon.

Hindi ko sinasabing pasalamatan mo si P-Noy. Ang gusto kong malaman mo, buwis natin ang ginamit para pondohanan ang mga proyektong ito. Kung inutang man ang pera, sa buwis pa rin natin kukunin ang pambayad dito.

Mungkahi: Sa susunod na maipit ka sa trapik, mag-rant ka laban sa pangulo, laban sa pamahalaan, laban sa mga di disiplanadong motorista o commuter na tulad mo. ‘Wag maging vague sa pagra-rant.

At sisihin mo na rin ang fixation ng pangulo sa war on drugs, sa halip na war on traffic o war on poverty o war on blabbermouth.

Tandaan: Hindi masosolusyonan ng war on drugs ang mabigat na trapiko, ang lumalalang kahirapan, ang mababa mong sweldo, ang tumataas na presyo ng value meal sa Jollibee at ang bigat ng iyong damdamin.