#PrayForEight

by Sankage Steno

Noong Friday pa nagsimula yung caravan ng mga Marcos loyalist mula sa kanilang kaharian sa Ilocos Norte na magtatapos bukas sa Padre Faura.

Para saan ang caravan?

Para ipakita ang suporta nila sa kanilang Apo Lakay, si dating Pangulong Ferdinand Marcos, na gusto nilang maihimlay sa Libingan ng mga Bayani. Ganyan po sila kaorganisado. Kitang-kita ang makinarya sa likod ng gawaing ito. At di mo maiwasang itanong:

Saan galing ang pondo nila para dito?

Imposible namang nag-ambagan itong mga supporter ni Marcos para bumiyahe ng ilang araw at maghakot ng tao mula Ilocos hanggang Maynila para lang ipanawagan ang paglilibing sa kanilang panginoon.

Naalala ko noong isang buwan nang sumama ako sa rally noong second hearing ng oral arguments sa Supreme Court. Mas marami ang supporter ni Marcos kesa sa ‘ming mga against sa paglilibing sa kanya sa LNMB. Bukod sa mas marami, may uniform din sila, may malaking LED screen na nagpapalabas ng AVP ni Marcos, may magandang sound system at may libreng lunch.

Hindi na ‘ko magugulat kung may allowance din sila.

Di mo ulit maiwasang itanong sa sarili: Saan galing ang pera nila?

Alam mo na siguro ang sagot d’yan. At kung lalaliman mo pa ang pag-iisip, dapat mong mapagtanto na pera talaga iyon ng mga Pilipino. Ninakaw nila. Ayaw na ngang isauli, gusto pang parangalan yung magnanakaw nilang Apo.

Nakakatawang isipin na parehong nagdarasal ang mga pro at anti para pumabor sa kanila ang desisyon ng SC. Sino kaya ang pakikinggan ng diyos nila? Sino kaya ang papanigan ng mga hukom?

Umaasa akong makakakuha ng at least 8 votes ang mga tutol sa paglilibing kay Marcos. Kung pagbabasehan ang mga balita, sa tingin ko may dalawa na kaming boto: isa galing kay Justice Leonen at isa kay CJ Sereno. Sana kasama rin si Justice Carpio at Justice Jardeleza.

Heck, sana lahat ng hukom tumutol sa paglilibing kay Marcos sa LNMB. Sana maisip nila na kaya nga binuo ang 1987 Constitution (na dapat nilang pairalin) e para di na maulit ang mga ginawa ng diktador noong martial law years.

Ang laking kabalintunaan naman kung papabor sila kay Marcos.