Signal No. 5

by Sankage Steno

Ito ang unang pagkakataong ginamit ng PAGASA ang Signal No. 5 sa bansa dahil kay supertyphoon Lawin (Haima). Nakakatakot lang makakita ng ‘5’ sa typhoon signal. Kasalanan ‘to ni Yolanda e.

By the way, ito ang una nating supertyphoon pagkatapos manalasa ni Yolanda noong November 2013. Grabe, tatlong taon na pala yung bangungot na ‘yon.

Huwag naman sanang maulit ang pinsalang naranasan natin noon. Sana nakapaghanda nang husto yung mga kababayan natin sa Northern Luzon, lalo na yung mga nasa Batanes na di pa nakaka-recover matapos tamaan ng dalawang bagyo kamakailan lang. Sana natuto na tayo.

Sa pagkakaalam ko, binibigay lang ang signal no. 5 sa mga supertyphoon, o yung bagyong may dalang hangin na ang bilis ay higit pa sa 220 kph. Kung matataandaan n’yo, si Yolanda noon e umabot sa 315 to 380 kph ang lakas ng hangin. Itong si Lawin, nasa 225 to 315 na at pwede pang lumakas dahil hindi pa tumatama sa lupa.

Bukas pa ang landfall, according to PAGASA.

Naalala ko rin noong bata pa ‘ko, early 1990s, nang first time din gamitin ng weather agency ang signal no. 4 sa bansa. Taong 1991 ito ginamit nang dumami na rin yung mga bagyong may dalang hangin na mahigit sa 185 kph ang lakas.

Originally kasi, tatlong public storm warning signal lang ang meron tayo:

  • Signal number 1 – winds of 30 to 60 km/h is expected in the next 36 hours
  • Signal number 2 – winds of 61 to 100 km/h is expected in the next 24 hours
  • Signal number 3 – winds of 101 to 185 km/h is expected in the next 18 hours

Pero kasi nga, habang tumatagal, palakas din nang palakas yung mga bagyong dumadalaw sa ‘tin. Siguro dahil nga ‘to sa climate change. I mean, yes, dahil talaga ‘to sa climate change. At sa tingin ko, dapat lang tayong bigyan ng “foreign aid” ng mayayamang bansa dahil sila ang pangunahing salarin kung bakit merong global warming at climate change.

Actually, yung mga tulong na dumarating galing sa mayayamang bansa, hindi dapat natin sila ituring na abuloy o tulong. Sa halip, dapat ituring natin silang danyos o kabayaran sa perwisyong idinulot nila. After all, industrialized countries ang may pinakamalaking kontribusyon sa greenhouse gases sa atmosphere, na s’ya namang sanhi ng global warming.

Isipin mo na lang, pa’no kung sa susunod na isa o dalawang dekada, lumakas pa yung mga bagyong dumadalaw sa bansa? Ano, magdadagdag na naman tayo ng warning signal? Baka mabura na sa mapa ng mundo ang Pilipinas kapag nagkaroon pa tayo ng signal no. 6.