Pulis, pulis… pa’no ka naging pulis?

by Sankage Steno

Kayong mga Leftist kayo, isaalang-alang n’yo naman yung kaligtasan ng mga kasama n’yong lumad, magsasaka at iba pang raliyista tuwing magpoprotesta kayo. Sinasadya n’yo yatang makipag-away sa mga pulis para pagpiyestahan ng media at magalit ang mga tao sa kanila e.

Kasama ba sa paninira n’yo ng pasilidad at pagva-vandalize ng mga property ang pagpapabaya sa mga raliyista? Kasama ba sa script n’yo ang gawin silang panangga kapag nagkaroon na ng dispersal? Ginagamit n’yo lang ba ang mga mahihirap nating kababayan para sa sarili ninyong adhikain?

Ano ba talaga ang mas mahalaga sa inyo: ang kapakanan ng mga nasa laylayan ng lipunan o ang ideolohiya ninyo? Sa bagay, ‘pag nagalit nga naman ang mga tao, magkakaroon na ng rebolusyon laban sa pamahalaan. Iyon naman talaga ang gusto n’yo, di ba?

At kayo namang mga putong amang mga pulis kayo, ano bang hindi ninyo maintindihan sa maximum tolerance? Kahit sa anong anggulo n’yo kasi tingnan, kayo ang maling-mali sa pagsagasa ninyo sa mga raliyista sa US Embassy kahapon.

Habang tumatagal, lalong nawawala ang respeto ko sa inyo. Lalo rin akong natatakot sa mga tulad ninyong dapat sana e pinoprotektahan kaming mga mamamayan.

Di ba kelan lang yung may nahuling dalawang pulis na nag-riding-in-tandem at pinatay yung anti-crime crusader sa Mindoro? Di ba kelan lang din yung pinagbabaril ng mga pulis yung mga magsasakang nagra-rally sa Kidapawan? Di ba kelan lang din yung mga pulis na pinapatay yung mga suspek sa ilegal na droga dahil nanlaban umano sila?

Trabaho n’yo na bang pumatay ng mga Pilipino ngayon?

Kanino na lang kami hihingi ng tulong at proteksyon kapag may mga masasamang loob na gustong manakit sa ‘min? Pa’no kami makakaasang ipatutupad n’yo yung batas kung kayo mismo e lumalabag sa batas? Ayusin n’yo naman yung trabaho n’yo lalo na ‘pag nasa field. Pumapangit imahe n’yo lalo e.

At kayo namang mga nasa Commission on Human Rights na bugbog-sarado na sa pambabatikos ng mga sumusuporta sa war on drugs ng pangulo, ito na ang pagkakataon n’yong makabawi. Kastiguhin n’yo yung mga pulis na nanagasa sa mga raliyista kahapon. Wala pa ‘kong naririnig sa inyo. Kelan kayo maglalabas ng statement?

‘Wag n’yo namang sabihin na pati kayo e di na rin namin maaasahan kapag yung mismong mga pwersa ng pamahalaan e inaabuso ang kanilang kapangyarihan at nadedehado kaming mga mamamayan ng bansang ito? Prove me wrong. Speak up. Kailangan namin kayo ngayon.

Advertisements