Halik 1:43

by Sankage Steno

“Di ko kasi gustong humalik,” sabi ko sa kaibigan ko habang hinihintay magsimula ang Doctor Strange.

Nanghingi siya kasi ng detalye sa nangyari sa akin pagkatapos naming pumarty noong Biyernes ng gabi. Ayoko namang ibigay ang talagang detalyeng hinahanap niya, kaya sinabi ko na lang na tine-text pa rin ako ng na-meet ko sa bar.

“O, ba’t ayaw mo?” tanong niya.

Malaking bagay sa akin ang paghalik. Iyon kasi ang madalas sa ginagawa ng mga magnobyo maliban sa pagpili kung saan kakain, pag-aaway-bati at pagtatalik. Masama ba kung gagawin kong criteria sa pagpili ng gusto kong makasama ang kahusayan niya sa paghalik?

Pasensyahan na lang kung lasang Mentos o Colgate lagi iyang bibig mo. Hindi ako mahilig sa menthol candy at sa lasa ng toothpaste. May halitosis ka ba? Hindi ka ba araw-araw naglilinis ng ngipin? Hindi ka ba kumpiyansa sa lasa ng labi at dila mo? Naiintindihan ko naman iyon.

Pero may pinipili talaga akong lasa.

“E baket, masarap ka bang kahalikan?” tanong mo siguro.

“Di ko alam,” seryosong sagot ko. “Di ko pa naman nakakahalikan yung sarili ko. Ba’t di mo tanungin yung mga nakahalikan ko na?”

“Pa’no ko malalaman?”

“Exactly.”

May isang paraan pa naman para malaman mo kung masarap ba akong kahalikan o hindi. Maaari kang makipagkita sa akin, harapin ako at sunggaban ang aking mapupulang mga labi. Saka mo sabihin sa akin kung matamis ba o mabaho o malambot o tuyo, at kung nagustuhan mo o ayaw mo.

Ganoon lang naman kasimple. Handa ka bang gawin iyon?

“Anong halik ba kasi hinahanap mo?” tanong mo na naman.

“Sa totoo lang, di ako sigurado. Ang alam ko lang, Kapayapaan.”

“Ha?”

“Tropical Depression. Gets?”

Napakamot ka pa sa ulo, at sabi mo, “Di pa ren.”

Kinanta ko ang paliwanag, “Lupang uhaw sa pag-ibig, naghihintay sa halik ng langit.”

<Awkward silence.>

Saka ko lang naalala (Spoiler Alert), wala palang torrid kissing sa Doctor Strange. Kung tama ang pagkakaalala ko, hinalikan lang ni Dr. Palmer sa pisngi si Stephen. At nagustuhan ko siya.