Memento mori

by Sankage Steno

May napanood akong panayam sa isang atheist noong bata pa ‘ko. Tanong ng host, “Naniniwala ka ba sa kaluluwa?” Ang sabi ng atheist, “In a way, oo.” Ang paliwanag n’ya, sa dami raw kasi ng energy na napo-produce natin habang nabubuhay, imposible raw na walang puntahan iyon ‘pag namatay tayo.

Ang tinutukoy n’ya yata e yung first law of thermodynamics, na kilala rin sa tawag na Law of Conservation of Energy. Sinasabi rito na ang energy ay hindi nalilikha o nasisira; pwede lang daw itong ipasa o ibahin ang anyo.

Ibig sabihin, yung energy (o soul) natin sa katawan e hindi masisira kapag namatay tayo. Maaaring malipat lang ito sa ibang lugar o lalagyan, o maiba ng anyo. ‘Yan ang pagkakaintindi ko sa sinabi ng guest.

We love life, not because we are used to living but because we are used to loving. – Friedrich Nietzsche

Pero iba ang paniniwala ko. Ang sa akin, kapag namatay ako, wala na talaga. Hindi ako naniniwalang may life after death o may reincarnation. Kung lumipat man ang energy ko o mag-transform, kung hindi naman ako aware o kung wala akong consciousness, I won’t consider it as resurrection o muling pagkabuhay.

Nakakatakot isipin ‘yon lalo na kung relihiyoso ka at umaasang gagantimpalaan ‘pag namatay ka na. Pero kung ako ang tatanungin, hindi s’ya nakakatakot. Kasi wala ka namang maiisip o mararamdaman kapag patay ka na. Para kang natulog nang mahimbing nang hindi nananaginip.

Iyon nga lang, wala nang gisingan.

Nai-imagine mo ba yung sinasabi ko? Kapag mahimbing ang tulog mo, wala kang naiisip o nararamdaman. Patay ka, in a sense. Ganu’n ang paniniwala ko. And I think that’s beautiful.

The fear of death follows from the fear of life. A man who lives fully is prepared to die at any time. – Mark Twain

Ang nakakatakot ay yung sakit na mararamdaman ko bago ako mamatay. Kapag constipated ka nga lang, ang hirap na, di ba? Pa’no pa kung yung may cancer ka o AIDS at gamot o aparato na lang ang bumubuhay sa ‘yo? O kung maaksidente ka o kung may bumaril at sumaksak sa ‘yo? O kung nanganganak ka? Sobrang sakit.

Doon ako natatakot, hindi sa kamatayan per se.

At dahil hindi ako naniniwalang may buhay na walang hanggan, o may altered consciousness pa rin ako ‘pag namatay, ganu’n na lang ang pagpapahalaga ko sa buhay ko ngayon. At kaya ganu’n na lang din ang galit ko kapag may pinapatay nang walang kalaban-laban. Ito lang kasi ang buhay na meron tayo. Walang 1-Up o respawn na mangyayari tulad sa games.

At dahil walang second chance o revive na mangyayari, gagalingan mo talaga sa buhay na ‘to. Susulitin mo s’ya nang husto. Wala kang sasayanging pagkakataon. Tatanggapin at susubukan mong lampasan ang lahat ng darating sa ‘yo, mabuti man o masama. Pipilitin mong mabuhay nang buong-buo at, hanggat maaari, walang pinagsisisihan…

Gaya ng ginagawa ko ngayon.

———

P.S. Sana ganito ako kagwapo kapag namatay ako.