Alexandria 2.0

by Sankage Steno

Isa ako sa mga top borrower ng libro sa library ng Mapua noong nagtuturo pa ako roon. Nalaman ko lang na may ganun silang recognition nang minsang i-google ko ang pangalan ko at makita sa website nila na andu’n ako sa listahan.

Kinilig ako, syempre. Malay ko bang inii-stalk nila ako.

Proud ako na suki ako ng library dahil bibihira na lang talaga ang ka-close kong mahilig magbasa ng libro, dahil siguro marami na itong kalabang media at ibang form ng entertainment. Actually, pangarap ko since high school na magkaroon ako ng sariling mini library sa bahay.

Matapos ang isa’t kalahating dekada, natupad ko na rin ang pangarap kong ito.

Kanina kasi, dahil long weekend, naayos ko yung mga libro ko rito sa probinsya. Naalikabukan ko sila at nalagay sa malaking estante namin sa sala. Sakto namang kasya silang lahat do’n. Well, di naman lahat, kasi may natira pa akong kaunti sa kwarto ko. Marami pa rin akong libro sa inuupahan kong kwarto sa Makati.

Umaasa akong mapapalago ko pa ang koleksyon ko. Pero mas umaasa akong, dahil nakalabas na yung mga libro ko, mas marami akong kapamilya na maeengganyong magbasa. Lagi ko kasi silang sinasabihan na maraming mas magandang kwento sa libro kesa d’yan sa mga pinapanood nilang teleserye o koreanovela.

Pramis!

Naalala ko tuloy noong Miyerkules ng gabi, hinihintay ko yung mga kaibigan ko sa Fully Booked sa Power Plant Mall. Manonood kasi kami ng Doctor Strange. Di ko namalayang mahigit isang oras na pala akong nagbabasa-basa sa loob ng bookstore. Sobrang nalibang ako.

Pagdating ng kasama ko, sabi ko, “Ang dami kong gustong bilhin. Mamamatay na ‘ko, di ko pa nababasa lahat ng libro.”

Which is kinda true naman. Sa sobrang ikli ng buhay ng tao at sa dami ng magagandang librong naisulat since time immemorial, imposible talagang mabasa ko lahat.

Naalala ko tuloy yung sentimyento ni Natalie Babbitt na sumulat ng Tuck Everlasting. Sabi n’ya, minsan daw gusto n’yang hilingin sa ibang manunulat na tumigil muna sa pagsusulat dahil napakadaming magagandang libro ang di pa n’ya nababasa. At kulang ang panahon n’ya para magbasa, to think na di lang naman ‘yon ang ginagawa n’ya sa buhay.

Naalala ko rin bigla yung mga nasayang na scrolls at record sa Library of Alexandria sa Egypt. Nakakapanghinayang na nasunog yung marami nilang koleksyon dahil sa paglusob ng hukbo ni Julius Caesar noong 48 BC at ni Aurelian noong 270 AD. Nakakalungkot yung mga impormasyong nawala at nakalimutan na ng panahon dahil sa mga sunog na ‘yon.

Buti na lang at may digital copy na ngayon, although hindi ako fan ng pagbabasa ng e-book. Sumasakit ang ulo ko at nakakatamad basahin for me. Mas gusto ko pa rin ang hard copy.

Ang bago kong pangarap ngayon ay makapagtayo ng bahay na parang library. Yun bang kahit saan ka pumunta, may madadampot kang libro. Tapos, gusto ko, pagtanda ko, magbabasa na lang ako nang magbabasa, at magsusulat ng magagandang libro hanggang sa mamatay ako.

Sana mahaba pa ang itagal ko sa mundong ito.