Hayaan mo na lang sila

by Sankage Steno

Isa sa pinakanakakatakot na narinig ko ngayong taon ay nanggaling sa isang babaeng malapit sa akin. Sabi niya, “Kapag si Steno nagpakasal, sasagutin ko lahat ng gastos.” Sabi ko naman, “Sige, sa New York, ha? Sagutin mo.” Dagdag niya, “Basta sa babae.”

Walang biro, gusto kong tumambling at mag-split kahit di ko kaya pagkarinig no’n.

Iyan ang hirap sa atin e, kunwari tanggap natin ang isang tao kahit bakla siya o tomboy o bisexual o transgender. Pero ang totoo, tinitiis lang natin sila. Sa kaibuturan ng ating puso, two-dimensional pa rin ang paniniwala natin. Na para bang ang araw ay binubuo lamang ng umaga at gabi, walang hapon o madaling-araw o tanghali.

Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit pinili kong lumabas sa madilim na kloseta at maging maingay na bakla. Kahit unti-unti na kasing nakikilala ang mga LGBT sa lipunan, marami pa ring hindi sila matanggap. May mga tao pa ring hindi nakauunawa. Marami pang dapat ipaintindi sa kanila kahit hindi naman talaga natin kasalanan kung bakit hindi sila makaintindi.

Sa totoo lang, komportable naman ang buhay sa loob ng kloseta. Hindi ko rin naman kailangang mag-ingay. Ayos na sa akin na ilang malalapit na kaibigan o kapamilya lang ang nakakaalam ng aking kasarian. E ang kaso nga, kahit sila mismo, hirap umintindi minsan. Paano pa iyong mga walang kamag-anak o kaibigang kasapi ng LGBT community? Maglalangoy na lang ba sila sa sariling kamangmangan habang buhay?

Isa pa, walang umuunlad sa madali at komportable. Ayokong nagtatagal sa comfort zone. Kung gusto kong may mabago, kailangan talaga minsang mag-ingay at bulabugin ang status quo.

At para saan? Para kapag may nakikipagtalo, hindi na nila sasabihing “Bakla ka kasi!” na para bang iyon ang dahilan kung bakit ka nasa panig ng katwiran. Para kapag may naghahanap ng trabaho, hindi na itatanong sa iyo kung bakit wala ka pa ring girlfriend (kung bakla ka) o boyfriend (kung lesbiyana ka) na para bang iyon ang kwalipikasyon para matanggap sa posisyong bukas.

Higit sa lahat, para happy-happy na tayong lahat. Masyado na kasing madrama ang buhay para sa mga heterosekswal. Paano pa sa mga LGBT, di ba? Dagdag-pasakit lang ang mga pasaring, diskriminasyon at kawalan ng paggalang sa pagkatao namin. E hindi naman kami humihingi ng espesyal na pabor. Ang hangad lang naman namin ay pantay na pagtingin.

Mahirap bang ibigay iyon?

Sa kolektibong karanasan natin, oo, mahirap. Marami rin kasing hinahayaan na lang at pinagpapasensyahan ang mga mangmang sa patuloy nilang panghahamak sa amin. Marami ang pinipili na lang manahimik at panatilihin ang status quo sa halip na mag-ingay at tumulong sa pagbabago.

Hindi ko rin naman masisi ang mga nasa loob pa ng kloseta. Komportable nga kasi sa loob kahit madilim. Nakakagalaw pa naman, limitado nga lang. At kung magpasya silang manatili sa loob, sino ba ako para pigilan sila? Buhay nila iyon.

Kung masaya sila sa ganoong kalagayan, hahayaan ko na lang muna. Pero gusto ko lang ipaalam sa kanila na mas masaya sa labas. Mas magulo at mas nakakatakot, pero maraming kakampi. Mga kakamping hetero at homo. Lahat matatapang. Lahat matatalino. Lahat lumalaban. Mas masaya kaya kapag may ipinaglalaban ka sa buhay.