Walang hiya, walang pake

by Sankage Steno

Binasa ko ulit yung The Emperor’s New Clothes nitong nagdaang long weekend, but this time without prejudice. Pagkatapos kong basahin, napaisip ako sa ending. Pwede pala s’yang maging pabor sa emperador o lalong kahiya-hiya sa kanya, depende kung ano ang gusto mong paniwalaan.

Narito ulit yung huling bahagi ng kuwento:

So off went the Emperor in procession under his splendid canopy. Everyone in the streets and the windows said, “Oh, how fine are the Emperor’s new clothes! Don’t they fit him to perfection? And see his long train!” Nobody would confess that he couldn’t see anything, for that would prove him either unfit for his position, or a fool. No costume the Emperor had worn before was ever such a complete success.

“But he hasn’t got anything on,” a little child said.

“Did you ever hear such innocent prattle?” said its father. And one person whispered to another what the child had said, “He hasn’t anything on. A child says he hasn’t anything on.”

“But he hasn’t got anything on!” the whole town cried out at last.

Madalas ay sa bahaging ‘yan tayo napuputol at d’yan din tayo humuhugot ng leksyon at biases. Na isang inosenteng bata lang pala ang magpapamulat sa mga tao sa kalokohan ng emperador at ng mga taong nakapaligid sa kanya.

Dito lumalabas ang usapin tungkol sa self-deception. Iyon bang pinipili pa rin nating maniwala sa kasinungalingan kahit alam na natin ang totoo. At bakit? Pwedeng dahil sa pride o dahil ayaw nating mapahiya ang ibang tao.

Pero may karugtong pa s’ya, at dito tayo magkakatalo talaga:

The Emperor shivered, for he suspected they were right. But he thought, “This procession has got to go on.” So he walked more proudly than ever, as his noblemen held high the train that wasn’t there at all.

Ang una kong naisip pagkatapos basahin iyan ay eto, “In fairness sa emperor, hindi s’ya nagpadala sa hiya. Pinagpatuloy pa rin n’ya ang parada kahit pa magmukha s’yang katawa-tawa. Sabi nga nila, ‘The show must go on.'”

Totoo naman, di ba? Ibibigay ko sa tapang ng hiya ng emperador na ipinagpatuloy pa rin ang parada kahit nabisto na ang kanyang kamangmangan. It takes guts to do that. Iilang tao lang ang may kayang akuin ang kanyang kapalpakan at matutong tawanan ang sarili.

Pero sa isang banda, parang mali na rin.

At dito papasok ang pangalawa kong naisip, “Tangina rin ‘tong emperador, ‘no? Nabisto na nga sa kagaguhan n’ya, di pa rin nagpatinag. Ipinagpatuloy pa rin ang parada. Ang kapal ng mukha!”

Na totoo rin naman, di ba? Kung ilalagay natin sa konteksto ng umiiral na pulitika sa bansa, pwede mong isiping ang emperador ang ating pangulo. At kahit buking na buking na ang kanyang panloloko sa mga tao (pwedeng sa korapsyon, sa paglabag sa karapatang-pantao o sa mahihinang polisiya), hindi pa rin s’ya tumitigil sa kasinungalingan. Tuloy pa rin ang panlilinlang…

Kahit alam naman nating lahat na wala siyang suot at nakakahiya siya.