Magdala ka ng tisyu o panyo

by Sankage Steno

Kung masyado nang masaya ang buhay mo at gusto mo namang maging malungkot kahit saglit lang, panoorin mo yung A Monster Calls na dinirek ni J.A. Bayona at sinulat naman ni Patrick Ness. Hango ang pelikulang ito sa nobelang isinulat din ni Ness at nagpaiyak sa ‘kin kahit ang saya-saya ng buhay ko ngayon.

Tungkol s’ya sa isang 12-year-old boy na kay bata-bata pa lang e sobrang emo na. Pero may karapatan naman s’yang maging emo kasi lagi s’yang binu-bully sa school, hiwalay yung mga magulang n’ya at may sakit yung kanyang nanay. Tapos biglang may umepal na halimaw.

Hanggang d’yan lang yung sasabihin ko.

Binasa ko s’ya earlier this year at talaga namang sulit na sulit yung ibinayad kong P600 para sa libro. Pikit-mata ko s’yang binili pero di naman ako nakulangan pagkabasa ko sa kanya. Sobrang ganda kasi ng istorya at mahusay rin yung pagkakaguhit sa kanya.

Yup, tama ang nabasa mo. May kasama s’yang drawing, pero hindi s’ya graphic novel per se. Isa s’yang pambatang libro. Well, yun ang sabi ng marketing nila, pero yung tema naman n’ya e universal. Tinatalakay kasi n’ya yung relasyon ng magulang sa anak, yung tungkol sa buhay at kung pa’no natin hinaharap ang mapait na katotohanan.

Tapos biglang may umepal na halimaw.

‘Wag mong isiping isiningit lang yung halimaw para masabing pambata yung libro o pelikula. I’m telling you, sobrang halaga ng monster na ‘yon sa kwento. Tapos malalaman mo pang si Liam Neeson yung nagboses sa halimaw… patay na. Baka di ka na makatulog sa gabi kakaisip sa kanya.

Basta kung magpasya ka mang manood nito, ‘wag mong kalimutang magdala ng pamunas ng luha. Kapag di na naiyak, it’s okay. At least may pamunas ka ng cheese o barbecue powder sa daliri mo.

Isa pang advice: Kung malungkot ang buhay mo ngayon pero di ka makaiyak dahil strong ka, baka makatulong ‘tong pelikulang ‘to para mailabas mo na ‘yan. Ang arte mo kasi. Feeling mo strong ka ‘pag di ka umiiyak. Pero kung iyakin ka talagang tao, ‘wag naman OA. Di ka naman namatayan ng mahal sa buhay.

Pag-untugin ko kayo d’yan e.