No Misuari

by Sankage Steno

Nakakaloko ‘tong pagpunta ni Nur Misuari sa Palasyo kahapon sa imbitasyon ng ating pangulo. Mas nakakaloko naman yung pagsuspinde sa warrant of arrest sa kanya dahil sa paglusob nila sa Zamboanga City noong 2013 na ikinamatay ng mahigit 200 sundalo, inosente at mga rebelde. Idagdag mo pa yung libu-libong nawalan ng tirahan.

Ang una kong naisip, talaga bang kailangang “kalimutan” o “patawarin” yung mga krimeng ginawa ng mga rebelde para sa usaping pangkapayapaan? At kung sakaling umusad ang peace talks sa mga kapatid nating Moro, tuluyan na bang mapapawalang-bisa yung mga umiiral na kaso sa mga “kriminal” na tulad ni Misuari?

Kung kailangang may magsakripisyo o magkompromiso, ano naman ang handang ilatag o ihandog ng mga Moro para sa inaasam-asam nilang “kalayaan?” At kung magpapatuloy ang Bangsamoro Law, mas papaboran na ba ngayon ang MNLF kesa sa MILF? At paano yung iba pang mga katutubo sa Mindanao na damay rin sa kaguluhan?

Isa pa, isusulong pa rin ba ni Misuari ang amnesty na hiningi nito noon kay Duterte para sa mga miyembro ng Abu Sayyaf? At bakit nga pala s’ya humihingi nito in the first place? Dahil ba ang mga miyembro ng Abu Sayyaf ay kasapi rin ng MNLF? Dahil ba nakikinabang din ang mga Moro sa ransom na nakukuha ng nasabing terrorist group?

Umiikot ang ulo ko sa usaping ito dahil napakamasalimuot at ang dami kong hindi alam. Basta ang sigurado ko lang, dapat pa ring panagutan ni Misuari yung Zamboanga siege.

Kung ako ang tatanungin, dapat pa ring hulihin ang founder ng MNLF at ikulong dahil sa panggugulong ginawa n’ya noong 2013. Ilang buhay ang nawala dahil sa ginawa n’ya? At para saan? Para sa kalayaan? Para sa kapayapaan? Talaga ba?

Ang kinakatakot ko pa rito, kung sakaling maisakatuparan nga ang Bangsamoro Basic Law at mabigyan ng panibagong awtonomiya ang mga Moro at katutubo sa Mindanao, paano tayo makakasigurong magkakaisa nga yung mga watak-watak na grupong ito? Paano tayo makakasigurong magkakasundo ang MILF at MNLF?

Baka ang mangyari kasi e tulad noong 1990s—may titiwalag na grupo sa MNLF o MILF tapos bubuo ng panibagong paksyon, tapos magdedemanda na naman ng “kalayaan” sa gobyerno, and so on. Uulitin lang natin yung nangyari noong panahon ni dating pangulong Fidel Ramos.

Ang dami ko pa talagang di alam dito, at nakakainis lang. Basta ‘wag lang tayong makakalimot na pairalin ang batas. Mamatyagan kong mabuti ‘tong si Misuari sa mga balita.