Nauna tayo sa Amerika

by Sankage Steno

Kung manalo man si Hillary Clinton sa US presidential election, ito ang unang pagkakataong magkakaroon sila ng babaeng pangulo. Samantalang tayo, nakakadalawa na: si Cory Aquino at si Gloria Macapagal-Arroyo. Ibig sabihin, mas progressive tayo sa aspetong ito kumpara sa kanila.

Pero!

Kung manalo naman si Donald Trump sa nasabing eleksyon, taob pa rin sila dahil nauna tayong magluklok ng pangulong misogynist, bastos ang bunganga at babaero. Ang mas matindi pa rito, yung pangulo natin e marami nang pinatay o pinapatay, at dadami pa raw lalo bago matapos ang itinakda niyang deadline sa sarili.

Amazing, di ba?

Sino ang nagsabing tuta tayo ng Kano e tayo nga itong ginagaya nila? Pati nga yung kayumangging kulay natin, inggit na inggit sila. Sa’n ka ba naman nakakita ng mga taong nagkukulong sa tanning machine para lang umitim? Samantalang tayo, effortless ang pagpapaitim. Jusko, bumilad ka lang saglit sa araw, sunog ka na agad.

Anyway, mabalik ako sa eleksyon sa US. Kung nagtataka ka kung bakit ibinabalita ‘yon sa atin kahit di naman tayo Amerikano, ‘wag ka nang magtaka. Ganyan talaga kapag superpower kang bansa at malakas ang impluwensya mo sa media, sa pulitika, sa ekonomiya at maging sa pop culture.

Ibig sabihin, kung sino man ang manalo kina Clinton o Trump, maiimpluwensyahan pa rin tayong mga Pilipino.

Kapag si Clinton ang nagwagi, pwede n’yang patawan ng economic restrictions ang administrasyon ni Duterte dahil sa pambabastos nito kay Obama at sa US in general. Kapag si Trump naman, pwedeng mapasama yung mga Filipino migrants sa US at baka maapektuhan din yung BPO companies dito sa atin.

Pero kung ako ang tatanungin, mas gugustuhin ko nang manalo si Clinton kesa kay Trump dahil (1) gusto kong magkaroon ng babaeng pangulo ang US at (2) tama na ang isang katulad ni Duterte bilang pangulo ng bansa.

Nakakatuwa (?) lang isiping ang isang progresibo at demokratikong bansa tulad ng US e nakapag-produce ng isang kandidatong katulad ni Trump. Ang mas malala pa rito, nakapag-produce din sila ng milyun-milyong taong naniniwala at boto kay Trump. Di naman pala nagkakalayo ng pag-iisip ang mga Pinoy at Kano.