Millennials, let’s volt in!

by Sankage Steno

Hoy, Millennials! Mukang patuloy tayong ginagago ng mga baby boomers at martial law babies. Mamamatay na nga lang, iiwanan pa tayo ng sandamakmak na problema. Tsk. Kung kelan tumanda…

Ang tindi pa rin ng traffic sa mga luma at makikipot nating kalsada, 1 sa 5 Pilipino e mahirap pa rin, talamak pa rin ang korapsyon sa gobyerno at mga pribadong kumpanya, marami pa ring inosenteng pinapatay ng mga pulis at militar, may mga katutubo pa ring inaagawan ng lupa at kabuhayan, magulo pa rin sa Mindanao, ad infinitum.

Sa Pilipinas pa lang ‘yan.

Papayag ba tayong matambakan ng problema? Syempre, hinde! E me magagawa ba naman tayo? Wala pa masyado. Pero konting tiis na lang at ‘pag tayo na ang nagpapatakbo ng gobyerno, ng mga kumpanya at ng mga institusyon sa bansa matapos gahasain at babuyin ng mga nakatatanda sa atin, malaki na magagawa natin para me mabago.

Hindi na natin kakailanganing hanapin ang lahat ng Dragon Balls para makahiling ng kaginhawahan o ipailalim ang lahat sa Infinite Tsukuyomi para makamit ang kapayapaan at kaunlaran para sa nakararami. Matatapos din ang pang-aalipusta ng mga Miss Minchin at Earl of Dorincourt sa ating mga Sarah at Cedie.

Kapag naging mga kage o super saiyan god na tayo, sugpuin natin lahat ng kalaban. Matik na ‘yan. Walang titigil hanggat hindi natin sila napapaslang. Walang maglalabas ng sandaang porsyento lang. Dapat higit pa sa sandaang porsyento ng ating kapangyarihan ang gamitin natin para ayusin ‘tong magulo nating bansa.

E ano kung titans ang mga kalaban? O mga legendary Pokemon? O tulad din nating mga kage at super saiyan? May kahinaan silang lahat! Matatalo natin sila nang hindi gumagamit ng magic beans o phoenix down.

Pero habang mga genin pa lang tayo at ang mga baby boomers at martial law babies pa ang naghahari sa bansa at sa mundo, tuloy muna tayo sa pagpapalakas at pagpapatalino.

Ngayon, kung atat na atat ka nang makipaglaban, walang problema. May magagawa ka na ngayon. Sumama ka sa akin sa Sabado, sa AS Parking sa UP Diliman. Ilabas natin ang lahat ng poot at dalamhati nang sama-sama laban sa nakaambang pagbibigay-pugay kay Marcos bilang “bayani.” Kitakits ng 3pm, at magsuot ka ng itim.