Hanggang ngayon ninanakawan pa rin tayo … at ang sakit-sakit na

by Sankage Steno

Pera ng gobyerno ang gagamitin sa pagpapalibing kay Marcos. Ibig sabihin, pera natin. Pera ng mga Pilipino. Kahit pa sabihin ni Imee Marcos na pera ng pamilya nila ang gagastusin sa pagpapalibing, pera pa rin natin ‘yon. Di ba tayo nagpapasweldo sa mga pulitiko? At di ba pera ng Pilipinas ang nagpayaman sa kanila dahil sa pagnanakaw?

May iba ba silang source of income maliban sa pangungurakot? Sa’n ba nanggaling yung mga kayamanan nila? Di ba sa kaban ng bayan? Don’t tell me naniniwala ka sa Yamashita treasure? Tss.

Kaya kahit pa’nong pagbabaluktot pa ang gawin ni Duterte o ng mga Marcos, pera pa rin natin ang gagamitin para parangalan ang putong amang magnanakaw na ito.

Huwag po nating kalimutan na babayaran natin ang inutang ni Marcos hanggang 2025, ayon sa Ibon Foundation. Hindi pa rin nababayaran ang lahat ng mga biktima noong panahon ng martial law. At sino sa tingin mo ang magbabayad nito? Tayo. Pera pa rin natin ang ibibigay sa mga biktima ni Marcos kahit siya o ang pamilya naman talaga n’ya dapat ang managot.

Sa usaping pera pa lang, kumukulo na ang dugo ko. Paano pa sa usaping karapatang-pantao? Sa libu-libong pinatay at tinortyur ng militar sa pamumuno ni Marcos? Ilang kabataan at future leaders ng ating bansa ang pinadakip at pinapatay n’ya? Tapos ngayon gagastusan pa natin yung hero’s burial n’ya?

Move on my ass!

Kung di mo makuhang magalit sa mga kadahilanang ito, dalawa lang ang naiisip kong dahilan: nakinabang ka noong martial law o bobo ka.

Maiintindihan ko kung yung una ang dahilan mo kahit napakasama pa rin ng dating. Pero yung pangalawa, what’s your excuse? GMG. Ang bobo, kapag di nagtanong o nag-google, nananatiling bobo.

Kaya inuulit ko ang paanyaya ko kahapon. Kung galit ka o nalulungkot sa desisyon ng Korte Suprema na payagang ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani, kahit alam naman nating hindi siya bayani, sumama ka na sa pagtitipon bukas.

Magkita tayo sa AS Parking Lot, UP Diliman, alas-tres ng hapon. Magsuot ka ng itim.

——-

We must always take sides. Neutrality helps the oppressor, never the victim. Silence encourages the tormentor, never the tormented.
– 
Elie Wiesel