Mga tanong ng isang ‘temperamental brat’ sa popular na rehimeng Duterte

by Sankage Steno

Kung nasa gitna tayo “war on drugs,” bakit nakuhang magbakasyon ni PNP Chief Bato Dela Rosa sa Las Vegas at manood ng laban ni Sen. Manny Pacquiao? Anong klaseng pinuno ka ng hukbo kung aalis ka sa gitna ng digmaan para magpasarap sa buhay?

At nakuha pa n’ya talagang tumanggap ng pabor mula sa isang senador habang pinapatay ang mga Pilipino? Hindi ba n’ya naaral sa PMA na bawal ‘yon lalo pa’t hepe ka ng pulisyang kasalukuyang nakikipaggiyera sa mga drug addict at drug lord?

Anong masasabi n’yo rito, mga ka-DDS?

Kung paniniwalaan ang ulat ng PNP na bumaba na raw ang bilang ng krimen sa bansa at nagtatagumpay tayo laban sa mga masasamang elemento, bakit nagbabalak pa ang pangulong isuspinde ang writ of habeas corpus?

Hindi pa ba sapat ang kapangyarihan nila ngayon para masugpo ang kriminalidad sa loob ng anim na buwan? Mali ba ang ulat ng PNP at natatalo tayo sa laban o nagbibiro lang ba ulit ang pangulo?

Anong masasabi n’yo rito, mga ka-DDS?

Kung totoo nga ang sabi ni Martin Andarar sa Brew Point na “temperamental brats” ang mga kumomkontra sa desisyon ng Korte Suprema na payagang maihimlay sa Libingan ng mga Bayani ang diktador na si Marcos, ganoon din ba ang tingin n’ya sa mga biktima ng martial law na kabilang sa gabinete ng kanyang boss?

Ganoon din kaya ang tingin n’ya sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines na kumalaban kay Marcos at ngayon ay kausap nila para sa usaping pangkapayapaan? O baka nagpapapansin lang si Andanar para hindi mapunta ang sisi sa kanyang amo?

Anong masasabi n’yo rito, mga ka-DDS?

Kung isusulong talaga ng pangulo ang “independent foreign policy,” bakit s’ya nagpapabango sa China at Russia? Kung seryoso s’yang humiwalay sa US, bakit n’ya inaprubahan ang Balikatan exercises sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo? At bakit chummy-chummy s’ya ngayon kay Trump?

Ano na lang ang sasabihin ng China kapag nalaman nitong kampi pa rin pala ang Pilipinas sa US? Tototohanin na ba ng pangulo ang pagje-Jet Ski sa Spratlys para itayo ang bandila natin doon at para kalabanin ang mga pwersa ng China?

Anong masasabi n’yo rito, mga ka-DDS?

At kayong mga pro-Duterte na anti-Marcos, anong masasabi n’yo ngayong ililibing na ang kinasusuklaman n’yong diktador sa LNMB? Paano n’yo natitiis ang cognitive dissonance na palala nang palala habang natatapos ang taon? Nagsisisi na ba kayo dahil binoto n’yo si Duterte o patuloy pa rin kayo sa pag-iisip ng idadahilan para hindi mabuking ang pride at kamalian n’yo?

Sa inyong lahat, uulitin ko ang tanong ni Kazekage Gaara noong unang pagtitipon ng limang Kage, “When did you all forsake yourselves?”