Hanapan ng cute sa Ayala

by Sankage Steno

Ang baba ng mga ulap ngayon sa Makati, natatakpan yung tuktok ng mga building sa CBD. At habang humahapon, lalo pang bumababa yung madidilim na ulap na may kasamang ulan. Isa lang ang ibig sabihin nito kapag nagpatuloy pa rin s’ya hanggang mamayang gabi…

Hindi matutuloy yung official start ng Lights and Sounds Show sa Ayala Triangle Gardens.

Sa isang banda, mabuti na rin ‘yon kasi kung kagabi naging maulap at maulan, di natin masasaksihan yung supermoon na parang normal na bilog na buwan lang naman. Wala pa ring tatalo sa giant red moon na nakita ko sa Bantayan Island noong nag-out ako sa mga kaibigan ko.

Ang dramatic na pag-a-out ko, ‘no? On cue ang celestial bodies. Ikaw ba?

Buti na lang din at tumambay ako kahapon sa Triangle. Nasaksihan ko yung rehearsal ng taunang Christmas presentation sa Ayala. Nakapanood ako ng tatlo o apat na versions ng “song” number nila. At mas maganda ngayon kumpara last year dahil nadagdagan ng ilaw. Meron na rin ngayong nakaturok sa lupa, hindi lang yung mga nakasabit sa puno.

Nabwisit lang ako kahapon dahil may magjowang tumabi sa akin sa bangko at naglampungan nang walang humpay. Okay lang naman sanang mag-PDA sila, basta ‘wag lang nila akong sisikuhin at pupuwitan. E ang lilikot ng mga puta. Kung wala ako sa mood kagabi, sinigawan ko na sila ng “Get a room!”

Ako na lang ang nagparaya at lumayas sa tabi ng mga pangit na ‘yon. Kakahiya e.

Kaya gustung-gusto kong nagtatrabaho rito sa Makati e, nakakalibre ako ng shows at concerts na idinadaos sa parke o sa malls. I’m talking about the Makati of the Ayalas, ha? Hindi yung Makati ng mga Binay, although du’n ako nangungupahan kasi mura. Di ko pa afford ang mag-rent o bumili ng sariling condo sa CBD mismo. Soon!

Ayan, mukhang patila na yung ulan. Nakikita ko na rin yung mga tuktok ng building dito. Nawawala na yung mga nakatakip na ulap. Sana magtuluy-tuloy para matuloy rin yung Lights and Sounds Show mamaya. Chance ko kasi yun para umaura at humanap ng mga cute na lalake. Hihi.