Ang dami ko pong time, pramis!

by Sankage Steno

Binabasa ko yung poorly edited book na Mondo Marcos (yung Filipino version) na sinulat ng martial law babies at tinipon nina Frank Cimatu at Rolando Tolentino dahil ayokong makalimot sa kasaysayan natin. Andami pa namang bumabago sa ating nakaraan at mga nagbabalewala sa mga masasamang pinagdaanan natin noon. Nakakadismaya at nakakabwisit lang.

Isa yung aklat na ito sa mga nabili ko sa Anvil Book Sale sa halagang P10. Kaya kahit andaming mali sa pagbaybay at sa balarila, hindi na ‘ko umangal. Ang gaganda rin naman kasi ng mga kwento at sanaysay na nakapaloob dito.

Kung marami lang sanang Pinoy ang mahilig magbasa ng libro…

Gusto ko sanang ipagpatuloy yung pagbabasa ngayon sa office, kaso katabi ko yung boss ko at nasa likod ko lang yung ibang office mates. Nakakahiya naman kung makikita nila akong petiks na lang habang sila e busy-busyhan sa kanilang mga sinusulat. Kaya, eto, blog na lang para kunwari busy pa rin ako sa trabaho.

Ang hirap talagang maging genius minsan. Nakakabagot.

Sa katunayan nga, dahil mabilis akong magtrabaho, nakapagsulat ako ng isang maikling kwento at isang nobela gamit ang libre kong oras. Balak ko pang magsulat ng panibagong nobela pagkatapos kong i-edit yung una. May ideya na ‘ko pero di pa buo. Pahihinugin ko muna.

Ang dami kong time para magsulat at magbasa ng hindi work-related. Nakakatuwa. Pero medyo kinakabahan din ako dahil alam ko namang hindi forever akong ganito. Darating ang araw na mapapalayas ako sa comfort zone ko at mababalibag sa war zone.

Pero sabi ko nga sa Facebook status ko kanina, enjoy muna hanggat di pa dumarating ang karma ko.

Ngayon na nga lang ulit ako nasisiyahan sa kabagutan. For the past two or three years, impiyerno sa akin ‘yon. Pero dahil marami akong gustong isulat ngayon at dahil marami akong bagong libro, para s’yang langit ulit. Sana tumagal ng maraming taon itong status na ‘to bago bumalik sa pagiging impiyerno.

I can’t believe I’m saying this, pero sana hindi muna ako ma-in love para walang “distraction.” Tamang landian lang muna. May gusto nga akong landiin dito sa office e, kaso “isolated” kami sa team. Abangan ko nga mamaya sa CR. Hihi.

Office, Down, Time, Still, Life, Work, Relax, Pen