PAO tang ina

by Sankage Steno

Naging guest ko si Persida Rueda Acosta, chief ng Public Attorney’s Office (PAO), sa Tonight With Arnold Clavio noong researcher pa ako sa GMA Network circa 2010.

Hindi ko s’ya makakalimutan dahil isa s’ya sa pinakamadaling imbitahin na guest. Ginoogle ko yung phone number ng PAO at tinawagan ito, tapos nakausap ko agad si Acosta nang sabihin kong taga-GMA ako. Inanyayahan ko s’ya sa aming show at pumayag naman s’ya agad.

Ito yung panahong malapit nang ilabas ng Korte Suprema ang desisyon hinggil sa Vizconde massacre. Kasama n’ya sa episode na ‘yon si Lauro Vizconde, sumalangit nawa.

Sa totoo lang, hanga ako kay Acosta dahil madali s’yang pakisamahan, matatas s’yang magsalita sa Filipino at naramdaman ko yung dedikasyon n’ya sa kanyang trabaho habang ipinapaliwanag kay Igan yung mga ebidensya laban kay Webb. Kahit pa natalo sila sa kaso, hindi nawala yung paghanga ko sa kanya.

Hanga rin ako sa kanya dahil dalawang beses s’yang bumagsak sa bar exam pero hindi s’ya sumuko. Sa pangatlong pagkakataon, nakapasa s’ya at pumasok pa sa top 10. Pang-apat s’ya noong 1989 bar exam. (Ang nag-top 1 noon ay si dating Defense Sec. Gibo Teodoro.) Bukod dito, laki rin s’ya sa hirap, pang-apat sa siyam na magkakapatid. Pero di ‘yon naging hadlang para maging abogada s’ya.

Associate Justice Acosta?
Ngayong isa s’ya sa mga kinokonsidera sa mababakanteng posisyon sa Korte Suprema, unti-unti ko ring nakikita yung iba pang aspeto ng kanyang pagkatao. Unti-unti rin akong nawawalan ng paghanga sa kanya.

Una, nang tanungin s’ya ni Judicial and Bar Council (JBC) executive committee chairperson Angelina Sandoval-Gutierrez kung sang-ayon o tutol daw ba s’ya sa desisyon ng Korte Suprema na payagang ilibing ang diktador na si Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ang sagot ni Acosta ay sasang-ayon daw s’ya.

Sinabi n’ya ito nang hindi binabasa ang desisyon ng korte. Umasa lang s’ya sa mga balita. Ibig sabihin, halos pareho lang kami ng alam o baka nga mas maalam pa ako kesa sa kanya. Magkasalungat na nga kami ng paniniwala kay Marcos, hindi pa s’ya marunong “magbasa.” Sasabak s’ya sa giyera nang walang armas.

Pangalawa, sang-ayon din s’ya na dapat ay mas mabigat ang parusa sa mga babae kapag nakiapid sila kesa sa mga lalake dahil ang kababaihan daw ang “ilaw ng tahanan.”

Sa batas kasi natin, kapag babae ang nagtaksil, pwede s’yang makulong ng hanggang anim na taon. Kapag lalake naman ang nahuling nangaliwa, hanggang apat na taon lang s’ya pwedeng makulong.

Hindi ko alam kung anong kalokohan itong sinasabi ni Acosta, pero gusto ko s’yang batukan dahil sa sinabi n’ya. Babae rin s’ya! ‘Yun ang mas matindi. Kung lalong madadagdagan ang mga hukom nating paurong mag-isip, di na ‘ko magtataka kung bakit maraming Pilipino ang mas gugustuhin na lang magka-martial law.

Pero ‘wag naman sana.

Ayokong isiping masamang tao si Acosta, at naniniwala akong hindi s’ya masama, pero sana hindi s’ya makasama sa shortlist ng mga kandidato para sa mga mababakanteng posisyon sa Korte Suprema.