Kasalanan ni Duterte

by Sankage Steno

Natuwa ako sa protesta noong Biyernes sa EDSA People Power Monument dahil, sa unang pagkakataon, sinisi na ng mga nandoon si Pangulong Duterte kung bakit (panakaw na) inilibing ang diktador na si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Sigaw namin, “DIGONG DUTERTE, TUTA NI MARCOS!” at saka, “MARCOS PUTA, DUTERTE TUTA!”

Ayoko talaga kay Duterte. Hindi ko s’ya binoto at kinasusuklaman ko s’ya hanggang ngayon, pero hindi ko ipapanawagan sa mga susunod na rally ang kanyang pagre-resign o ang pagsibak sa kanyang pwesto.

Bakit?

Because that would create further division among Filipinos. To do so would not be for the best interest of the country. What I want is for Duterte to correct his mistakes and from now on make better decisions.

Kung hindi ako pabor sa pagsigaw ng “OUST DUTERTE!” o “DUTERTE RESIGN!” ano ngayon ang dapat ipanawagan sa mga susunod na protesta (Nov. 25 sa Luneta at Nov. 30 sa People Power Monument, parehong 4pm)?

Kung ako ang masusunod, isisigaw ko pa rin ang “HUKAYIN!” at “MARCOS DIKTADOR, HINDI BAYANI!”

Sabi ni Prof. Clarita Carlos, nagtuturo ng Political Science sa UP, kawalan daw ng respeto kung ie-exhume ang katawan ni Marcos sa LNMB at hindi raw maitatama ang mali ng isa pang pagkakamali.

Sang-ayon ako sa pangalawa n’yang sinabi, pero nagkakamali s’ya sa pag-iisip na mali ang gagawing paghuhukay kay Marcos sa LNMB.

Unang-una, tama lang na hukayin s’ya dahil hindi pa final and executory ang desisyon ng Korte Suprema. May 15 days pa bago ito maipatupad, pero 10 araw pa lang ang nakakalipas mula nang ilabas ang desisyon, panakaw nang inilibing si Marcos.

Pangalawa, ang paghuhukay sa bangkay n’ya ay tama dahil isa itong hustisya para sa mga biktima n’ya noong martial law, lalo na yung mga desaparecidos.

Sabi nga ng isang biktima noong rally, “Buti pa si Marcos, may bangkay. Samantalang kami, walang madalaw tuwing Undas.

Tungkol naman sa kawalan ng respeto, masasabing unang bumastos sa bangkay ni Marcos ang pamilya n’ya na ginagamit pa ang diktador para makabalik sa kapangyarihan. Sila ang unang humukay sa bangkay ng kanilang apo. Sila ang unang bumastos.

Di ba nga, respect begets respect?

Kung mismong sina Bongbong, Imee at Imelda ang humukay at ayaw magpatahimik sa bangkay ni Ferdinand, paano mo hihilingin ang parehong paggalang ng mga tao, lalo na sa mga naging biktima nila, sa katawan ng yumaong diktador? At dapat ba talaga s’yang galangin?

Ang paghukay ay nararapat lamang. At kung hindi makikinig si Duterte sa mga tao, baka di magtagal at hilingin na rin namin ang pagtanggal sa kanya sa palasyo.