Tatlong buwan

by Sankage Steno

Ganito ang pwedeng mangyari sa mga susunod na araw, linggo at buwan sa ating bansa (kung paiiralin ko ang aking creative imagination at negative thinking)…

Magkakaroon ng mga malawakang protests laban sa paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani? Check. Ngayon, kung paiiralin ni Duterte ang kanyang Marcosian tactics, pwede n’yang gamitin ang mga kilos-protestang ito para sabihing may rebelyon o lawlessness.

Pwede rin namang may “vigilante” na maghahagis ng granada sa isa sa mga rallies na magja-justify para magdeklara si Duterte ng martial law. At dahil kakampi n’ya ang Kongreso at Korte Suprema, madali n’ya itong maisasakatuparan.

Kung hindi naman ito tatalab, makakaasa pa rin s’ya sa Korte Suprema na pumabor sa kaibigan n’yang si Bongbong sa electoral protest nito. Ang mangyayari, mananalo si BBM at s’ya ang hihiranging pangalawang pangulo. Kapag s’ya na ang VP, tutuparin ni Duterte ang isa pa n’yang pangako: ang mag-resign.

Magiging pangulo na ngayon si BBM. At magkakaroon ng People Power 3 (o 4 kung isasama mo yung sa mga supporter ni Erap noong 2001).

Pero dahil si BBM ang pangulo, hindi magiging mapayapa ang People Power na ito. Uutusan n’ya yung mga sundalo na barilin at/o pasabugin yung mga taong mag-aaklas laban sa kanya. Maraming mamamatay, parang noong panahon ng pamumuno ng kanyang ama.

Dahil dito, pupwedeng mahati ang AFP at/o PNP at pwede ring tumiwalag sa usaping pangkapayapaan ang CPP at mga Moro groups. Tapos, magkakaroon ng digmaang sibil o civil war sa pagitan ng gobyerno at resistance groups. Pero nakikinita kong kakampi ang US (c/o Trump) sa gobyerno kaya matatalo ang resistance sa digmaang ito.

Idagdag mo pa na maaaring baguhin yung Konstitusyon (through Con-Ass), daan para pahabain ni BBM ang kanyang termino indefinitely tulad ng ginawa ng kanyang ama.

At magiging happily ever after na ang kwento ng mga Marcos. Fin.