May na-meet ako sa elevator

by Sankage Steno

Bitbit ko papuntang opisina yung 360-degree placard na gagamitin ko sa Luneta rally ngayong araw. Habang naglalakad papasok kaninang umaga, iniiwasan ko talagang mabasa ng mga tao yung nakasulat. Hindi naman sa ayaw kong magpapansin or di ko gusto ng confrontation. Actually, kabaligtaran nga.

Ayoko kasing may pumuna o mag-react nang masama dahil siguradong aawayin ko sila kahit sa kalsada o kahit pulis pa s’ya at may dalang baril.

Wala namang nag-react, buti na lang. Pero nang makarating ako sa building namin, habang naghihintay ng elevator, may isang matabang mamang sumulyap sa 360-degree placard ko. Dinedma ko lang s’ya pero ang totoo nakikiramdam ako kung ano yung magiging reaction n’ya.

Handang-handa na talaga akong makibaka.

Pagpasok namin sa elevator, tumingin s’ya sa ‘kin. Tatanungin ko na sana ng, “Anong tinitingin-tingin mo d’yan?” kaso naunahan n’ya ‘ko. Sabi ng matabang mama habang nakangiti, “Good luck mamaya, ha?”

Astonishing!

Medyo natameme ako. Napaka-war freak ko kasi pagdating sa mga pinaglalaban ko sa buhay. Ang naisagot ko na lang sa mama e, “Thank you po.”

Nang kaming dalawa na lang yung naiwan sa elevator, kinausap n’ya ulit ako. Sabi n’ya, “Kayo naman.”

“Opo. Yun nga pong mga (matatandang) nag-rally nung Friday, ganyan din po sinabi. Pagod na raw po sila,” sabi ko.

“Nagbantay na kami noon.”

“Kasama po kayo sa EDSA (People Power Revolution)?”

“Oo.”

Natuwa talaga ako. Kakaumpisa pa lang ng araw ko, at siguradong hahaba pa ‘to dahil sa rally, pero parang nakumpleto na agad dahil sa matabang mamang ito na lumaban (at lumalaban, I suppose) sa rehimeng Marcos. At ngayon ay ipinapasa na n’ya sa akin (ating henerasyon) yung sulo ng pakikibaka.

Nakakataba lang ng puso. I’m sure natuwa rin s’ya nang makita n’ya ‘kong may dalang placard sa trabaho. Siguro nabuhayan s’ya ng pag-asa. Ako rin naman. The feeling is mutual.

Bago s’ya lumabas ng elevator, inabot n’ya yung kamay n’ya sa ‘kin. Inabot ko naman at nakipagkamay ako sa kanya.

“Sige, good luck,” pamamaalam n’ya.

“Thank you po.”

Advertisements