Bakit galit ka sa mga nagra-rally?

by Sankage Steno

Noong kumuha ako ng kursong Mass Media Law sa UP, pina-memorize ng Attorney-Prof namin yung Sec. 4 Art. III ng Philippine Constitution. Kalimutan na raw namin lahat ng naituro n’ya ‘wag lang ‘to. Kaya naman hanggang ngayon, saulado ko pa rin s’ya. It states that:

No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.

Sa maniwala ka man o hinde, hindi copy-paste ‘yan. Galing talaga ‘yan sa memorya ko. Magaling kaya ako sa memorization, lalo na ‘pag sa kanta. Hello, Singing Bee? Charot.

Napakalinaw sa section na ‘yan na pinapahalagahan ng ating Saligang Batas ang kalayaan sa pananalita, sa pamamahayag at sa pagpoprotesta. Ayun o, basahin mo ulit. Ang sabi, “to assemble and petition the government for redress of grievances.”

At bakit nga ba tayo nagpoprotesta? Ayan nga o, “for redress of grievances.” Para ayusin o itama ng pamahalaan ang mga mali nitong ginawa o desisyon. Tulad na lang ng pagpapalibing ni Duterte at ng mga Marcos sa bangkay ng diktador sa Libingan ng mga Bayani.

E ano kung dati s’yang pangulo o sundalo?

Ang dapat na tanong ay “Anong klaseng pangulo at/o sundalo ba siya?” Alam naman nating lahat na marami s’yang ninakaw, pinahirapan at pinapatay. Kahit yung mga war record n’ya, pineke n’ya. Tapos ituturing pa ring bayani? Obviously, gustong bumalik sa kapangyarihan ng mga kaanak n’ya kaya nila ginawa ito.

O ngayon, malinaw na ba sa ‘yo kung bakit kami nagpoprotesta? Tapos magagalit ka kapag naabala ka nang kaunti sa traffic? O kapag naingayan ka sa mga pagsigaw namin? Bakit? Sinaktan ka ba namin? Ginasgasan ba namin ‘yang kotse mo? O baka naman natae/naihi ka na d’yan sa loob?

Karapatan natin ‘to kaya ‘wag kang ano d’yan! Nang-aano ka e. ‘Wag kasing puro sarili lang ang iniisip mo. Timawa ka ba? Kutusan pa kita d’yan e. Kung malaya kang mag-rant sa Facebook, malaya rin kaming magprotesta. Iisang section lang sa Constitution ang pinanggagalingan ng karapatan nating ‘yan, okay?

At kung iniisip mong wala rin namang magagawa, ipapaalala ko lang sa ‘yo na dalawang pangulo na ng Pilipinas ang napatalsik natin dahil sa pagpoprotesta. Ilang isyu na rin ang naisiwalat natin sa madla dahil sa mga pagkilos na ito. Ngayon kung gusto mong maging tuta ng gobyerno at magpaabuso sa mga may kapangyarihan, e manahimik ka na lang.

Pero dahil gusto namin ng hustisya, gusto namin ng pagtatama sa mga kamalian noon at ngayon, magpoprotesta kami. ‘Wag ka na lang umangal d’yan dahil ikaw rin naman ang makikinabang kapag naipanalo namin ‘to.