Unti-unti nang namumulat

by Sankage Steno

Ang dami kong na-meet kahapon sa anti-Marcos protest sa EDSA People Power Monument. Maliban sa mga artista at pulitiko, may mga nakita rin akong kaklase at ka-org sa UP, dating katrabaho sa GMA at Inquirer, mga kaibigan at kakilala, at kung sinu-sino pa. Naging instant reunion namin yung rally.

Pero ang pinakaikinatuwa ko talagang makita ay ang dati kong estudyante sa Mapua.

Siya ang nakakita at unang tumawag sa akin nang makilala n’ya yung placard ko. (Sa ibang araw ko na lang siguro iba-blog yung mga placard kong papansin dahil baka mawala ako sa aking topic ngayon.)

Hindi ko s’ya papangalanan dahil baka ma-bash ng mga avid troll ko rito. Basta nung makita ko s’ya, nagulat at napangiti talaga akong abot-tenga. Nag-apir kami at nag-man hug saka nag-usap saglit bago nagpatuloy sa pagsigaw ng “DIGONG DUTERTE TUTA NI MARCOS,” “MARCOS HITLER DIKTADOR TUTA” at “HUKAYIN!”

Alam mo kasi, sobrang disappointed talaga ako sa pinagturuan kong school dahil ang daming Mapuans ang naniniwala sa historical revisionism. Ang dami ring apathetic o wapakels sa mga nangyayari sa lipunan. Ubos na ang pasensya ko sa mga tulad nila.

Kaya sobrang tuwa ko talaga nang makakita ng Mapuan sa rally kahapon.

Nang magbukas naman ako ng Facebook habang nagpapahinga sa may likuran, nakakita ulit ako ng isa pang Mapuan na nasa rally rin. Nag-post s’ya ng picture n’ya. Hindi nga lang kami nagkita nang harapan dahil malayo s’ya at sobrang siksikan talaga. Pero lalo akong nabuhayan ng loob nang makakita ng isa pang mulat na estudyante.

(Sana sa susunod na mga pagkilos ay madagdagan pa ang mga mulat na Mapuan. Gusto kong mahanay sila sa ibang mas aktibong paaralan tulad ng UP, ADMU, DLSU, PUP, PLM, St. Scho, atbp.)

Bago umuwi yung na-meet kong estudyante, pinuntahan n’ya ‘ko sa may likuran para magpaalam. (O di ba, ang courteous n’ya?) May finals pa raw kasi yung girlfriend n’ya. (O di ba, ang sweet at ang bait pa?) Sa halip na sabihan lang s’ya ng “Ingat!” sinabi ko yung totoong nasa isip ko… I’m so proud of you.

Advertisements