Pasikat

by Sankage Steno

Break muna ako sa political posts ngayong araw dahil hindi pa naman naa-assassinate si Digong o napapatanggal sa pwesto si Leni.

Charot lang.

Ang totoo n’yan, wala kasing ibang tumatakbo sa utak ko ngayon kundi yung christmas party namin mamaya. Tulad last year, isa ako sa hosts and performers. Masyado kasi akong pasikat kaya ganun. Saka once in a year lang naman ako nakakapag-perform nang live, kaya goraboom na.

Medyo kinakabahan lang ako dahil kulang ako sa practice. Dalawa yung kakantahin ko mamaya, pero tatlo yung hinanda ko. Dahil late na rin akong naabisuhan, di ako kumpiyansang memoryado ko na talaga yung lyrics ng mga kanta. Baka mablangko ako kapag nasa harap na ng maraming tao.

Exciting! Haha.

Yung una kong kakantahin e gusto kong i-dedicate sa crush ko sa office, kasi feeling ko crush din n’ya ako. Lagi ko kasi s’yang nahuhuling nakatitig sa ‘kin. E dalawa lang naman ang pwedeng dahilan: either gusto n’ya ‘kong pagnakawan o gusto n’ya ‘kong halikan. Syempre dun ako sa pangalawa naka-subscribe.

Yung bonus kong kanta e dedicated naman sa mga millennials. Upbeat ito at baka samahan ko na rin ng sayaw. Matagal na kasi akong hindi nakakasayaw. Ang purol na tuloy ng katawan ko. Pero sasayaw pa rin ako.

Yung last song e para naman sa mga katulad kong nakikibaka at patuloy na lumalaban sa mga di-makataong polisiya ni Duterte at sa rehimeng Marcos na nagbabadyang bumalik sa kapangyarihan. (Shet, nahaluan pa rin ng pulitika yung post ko. Haha.)

Ayoko sanang haluan ng pulitika yung performance ko, pero I can’t help it. Kailangan talagang maisingit ang mga ipinaglalaban ko sa buhay. Ang boring naman kasi kung kakanta lang ako nang maayos, tapos papalakpakan nila ako, then upo na. Thank you.

Mas masaya kung may halong advocacy. Naks.

Sana hindi ko makalimutan yung lyrics. Sana hindi ako pumiyok. At sana magustuhan ng mga tao yung kakantahin ko mamaya. Dahil ‘pag hindi, aabsent ako sa Lunes at papasok next year na.

Joke! I’ll have an amazing performance tonight, that’s for sure.

Advertisements