Mamatay na pangit

by Sankage Steno

Sabi sa pinakahuling survey ng SWS, halos walo sa 10 Pinoy (78 percent) e natatakot na baka mabiktima sila, o ang kakilala nila, ng extrajudicial killings, kahit halos magkasindami (85 percent) lang din ang nasisiyahan sa war on drugs ni Satanas, este… ni Digong pala.

In short, aprub sa atin ang war on drugs pero takot tayong madamay. Wuw.

Napag-usapan namin ‘to ni Mama kahapon habang nagbabalot ng regalo. Nakita ko kasi yung video ng pulis na namaril ng isang lalaki sa harap ng RCBC Bank sa Laguna. Sabi ko, “Grabe ‘tong mga pulis ngayon, anlalakas ng loob pumatay.”

Tapos sinabi ko na napakadali na lang ngayong sabihin na gumagamit ka ng droga o “nanlaban” ka kahit hindi naman talaga. Pwedeng gamitin ng mga pulis ang ganitong dahilan para ma-justify yung pagpatay nila. After all, protektado sila ni Satanas, este… ni Digong pala. Sobrang makapangyarihan sila ngayon.

Nakakatakot.

Sa totoo lang, hindi ako masyadong natatakot na madamay sa extrajudicial killings. Of course, merong konting pangamba, pero dahil tinanggap ko nang si Satanas, este… si Digong ang pangulo ng bansa, expected ko nang marami talagang mapapatay at magiging “collateral damage” sa war on drugs n’ya.

Ang mas ikinatatakot ko ay ang mamatay nang pangit. Tulad ni Paolo Ballesteros, gusto ko rin sanang mamatay beautifully. E ang kaso nga, kapag pulis ang kalaban mo, tatadtarin ka lang ng bala nang walang humpay. Buti sana kung sa tiyan lang ang tama, e pa’no kung sa ulo? E di sira yung mukha ko?

Tapos iiwan lang ako sa kalsada at lalagyan ng karton? Kadiri, di ba?

At least kung firing squad, medyo dramatic. Kita mo si Jose Rizal, ang ganda ng pagkamatay, pati yung venue. Very cinematic. Bayaning-bayani. E kung extrajudicial killing lang? Juskoday, bubulagta ka na lang basta sa gilid ng kalsada. Ang pangit pa ng tama ng mga bala sa katawan (o mukha) mo kapag ginawa kang practice target ng pulis.

Kaya ang hiling ko sana, kung mapapatay man ako ng pulis dahil sa mga pinagsususulat ko laban kay Satanas, este… kay Digong pala, sana naman ay huwag barilin ang mukha ko. Kung di talaga maiiwasan sa ulo, isakto naman sana sa gitna ng noo ko para magandang tingnan. At kung pwede sana, sa mall ako patayin o sa park para naman hindi ako nauusukan ng mga sasakyan.

Ayoko talagang mamatay na pangit.

Advertisements