Bisyo ko ang umasa

by Sankage Steno

Wala yata tayong salita para sa ‘move on’. Sa Tagalog, ang pinakamalapit lang na naisip ko e ‘sumulong’ o ‘umusad pasulong’, pero something is lost in translation, di ba?

Yung huli kasing rally na inatenan ko, ang dinala kong placard e me nakasulat na “HINDI AKO SANAY MAG-MOVE ON ULOL PAKYU”. Kahapon naman, dinownload ko yung mga kanta sa Kimi no Na Wa (Your Name) kasi nga di pa rin ako makapag-move on sa pelikulang ‘yon kahit ilang buwan ko nang napanood.

Bukod pa d’yan, magtatapos na yung taon, at ang daming makukulay na nangyari ngayong 2016 kaya parang gusto nang mag-move on ng mga tao. Marami sa kanilang gusto nang mag-2017 dahil iniisip nilang mas magiging mabuti ang parating na taon.

Naisip kaya nila na maaaring mas maging malala ang 2017?

Oh well, wala namang maitutulong kung magiging negative ang pananaw mo sa susunod na taon. Mas magaan kasing dalhin sa kalooban kung aasa ka sa mas magandang mga pangyayari.

Ibang klase talaga ang pag-asa, ‘no? Parang kakambal na s’ya ng pag-move on. Hindi ako sigurado pero, tingin ko, tayong mga homo sapiens sapiens lang ang may kayang umasa ng mas magandang hinaharap. I wonder kung pa’no natin na-evolve yung virtue na ‘yon o kung meron bang DNA para sa pag-asa.

Sa dami ng nabasa kong libro, merong mga manunulat na inilarawan ang pag-asa bilang isang kasalanan. Meron namang iba na ang tingin dito ay isang bisyo. At para sa ilan, isa itong virtue.

Gusto kong maniwala na ang pag-asa ay me dalawang mukha tulad ng pag-ibig. May mabubuti at masasama kang nagagawa kapag umiibig ka. Ganun din naman kapag punung-puno ka ng pag-asa. At gaya ng pag-ibig, mahirap ding itanggi ito sa sarili. Kung umaasa ka, kahit pa ulit-ulitin mong isigaw sa isip na hindi ka na aasa, alam mong niloloko mo lang ang sarili mo.

Parang ako ngayon. Ayokong umasang may buting hatid ang 2017, pero alam kong niloloko ko lang yung sarili ko dahil punung-puno ako ng magagandang pangarap at hangarin para sa bagong taon.

Anu’t ano pa man ang ibigay sa ‘kin ng 2017, mamighati man ako o sumaya, umibig man o masaktan, uusad ako nang pasulong. E wala e, bisyo ko ang umasa.

Resulta ng larawan para sa i am hope sandman

Advertisements