Itatapon ko ‘yan: Kung papa’no ko sinusulit ang aking bakasyon

by Sankage Steno

Isang linggo mahigit akong bakasyon sa trabaho pero panay trabaho pa rin ang ginagawa ko sa bahay. Tatlong araw na ‘kong naglilinis, naghahawan at nagtatapon ng mga tambak na basura ng mga matatanda dine.

Alam mo yung ugali ng mga nuno mong sinisinop ang lahat ng bagay dahil magagamit pa raw? E sa sobrang sinop naman, naging bodega na yung sala, kusina at garahe ng bahay namin. Di ko pa nadadamay yung silong at mga kwarto namin n’yan, ha? Jusko, kulang ang isang linggong bakasyon para linisin ‘tong bahay.

Pero di naman ako naiinis. Sa totoo nga e natutuwa ako dahil nakakatawa yung batuhan namin ng linya ni Mama kapag naglilinis. Ako e puro “Itapon na ‘yan!”, tapos s’ya naman yung “E magagamit pa ire” o kaya e “Sayang, pwede pa ‘yan.”

Jusko, ganire kami araw-araw simula nung Lunes. Pinagtatawanan na nga kami ng mga tiyahin at lola ko dahil para raw kaming sina Kuya at Inang noong araw. E nakakatawa naman talaga. Ako e gusto kong itapon na lahat para umaliwalas yung bahay, tapos yung Mama ko naman e puro sayang, sayang, sayang.

Naging instant bonding tuloy naming mag-ina at ibang kamag-anak yung paglilinis ng buong bahay. Ang gulo at ang saya lang.

Tapos kahapon, habang sinisinop ko yung mga gamit ko sa kwarto (Meaning, nagtatapon ng mga papel at gamit na di na kailangan), natuon yung pansin ko sa aking treasure box.

TRIVIA: Ang treasure box ko sa kwarto ay naglalaman ng lahat ng medals, ribbons, certificates, photos, letters at kung anu-ano pang mahahalagang bagay sa ‘kin. Andun din yung iba kong journals at mga salamin sa matang napaglumaan na. Meron din akong DNA sample doon. O, sa’n ka pa?

Habang nagtatapon ng mga basura galing sa aking treasure box, nahalungkat ko yung isa kong letter na sinulat ko sa sarili ko 10 years ago. Can you imagine that? Sampung taon na ang nakalipas nang sulatan ko ang sarili ko!

Sinong baliw naman ang sinusulatan ang sarili, di ba?

Binasa ko ulit yung sulat ko sa sarili at nakita ko kung ga’no ako ka-ideal noon. Natuwa ako dahil, somehow, na-preserve ko pa rin yung pagiging ideal ko sa buhay, although nabawasan na nang kaunti dahil sa mga naranasan ko sa loob ng isang dekada. Pero ideal pa rin ako.

Saglit lang akong nag-moment sa kwarto dahil marami pang trabaho sa bahay. Natuwa lang ako sa sarili ko dahil para akong nag-time travel bigla. Bukas at sa Lunes, maglilimas pa rin ako ng kalat sa bahay. Ayos lang naman. Nakaka-relax din ang pag-aayos ng bahay kahit papa’no.

At, syempre, excited na ‘ko sa mga matutuklasan kong gamit dito.

Advertisements