Tangama, ‘wag muna!

by Sankage Steno

Christmas Party-slash-reunion ng UPNC kagabi sa Casa Hambre sa may Cambaog at talaga namang walang humpay ang sigawan, tawanan at kwentuhan namin. Ang dami ko ring nakain, jusme, pero payat pa rin ako. Kainis.

Habang nagkakasiyahan, nagkakwentuhan kami nung ka-love team ko noong grade school (babae s’ya so EKIS!) at sinabi n’ya sa ‘kin na tinatanong daw s’ya ng mommy n’ya (na friend ko rin sa Facebook) kung di raw ba nagdedelikado yung buhay ko dahil sa mga pino-post ko sa Facebook at sa blog ko na against kay Duterte (at Marcos)?

Ang sabi ng kaibigan ko, oo, delikado, ta’s natawa na lang s’ya. Ako rin natawa na lang. Sa loob-loob ko, e wala. Gago at adik yung pangulo natin, at binoto s’ya ng sambayanan Pilipino. Anong magagawa ko? Hanggang pag-iingay lang ako at pagkondena sa mga pagpatay n’ya dahil yun pa lang ang kaya ko.

Kung mamamatay, e di mamamatay.

Tapos bago ‘yon, nakausap ko pa yung isa kong kaibigan. Sabi ko naman sa kanya, dapat nga lalong mag-ingay ngayon dahil sinisiil ang karapatang-pantao ng mga Pilipino, lalo na ng mahihirap.

Kanina naman, pagkagising ko, kinuwentuhan agad ako ni Mama tungkol sa napanaginipan n’ya kagabi. Hindi na raw s’ya nakatulog nang pagbuksan n’ya ‘ko ng gate bandang alas-tres y media ng madaling-araw kanina. Kinabahan daw s’ya.

Napanaginipan daw n’ya kasi akong nabaril.

Di naman ako natakot. Ilang beses ko na kasing napanaginipan yung sarili kong nabaril, nasaksak, nakidlatan, nahulog sa mataas na lugar at kung anu-ano pang paraan ng pagkamatay. Pero buhay pa rin naman ako. Salamat po.

Hindi ko na nasagot si Mama dahil di ko alam kung ano sasabihin ko. Saka inaantok pa ‘ko nung kinwento n’ya ‘yon kanina. Ayoko namang pag-alalahanin s’ya lalo.

Naisip ko tuloy, kung mamamatay nga ako anytime soon, malulungkot ako para sa mga maiiwan kong mahal sa buhay. Mas nakakalungkot kasi hindi ko pa napopormahan masyado yung crush ko sa office. E habang tumatagal pa naman, lalo ko s’yang nagugustuhan. Sayang naman kung hindi kami magkakatuluyan.

Pero ganun naman nga ang buhay. Kung hanggang dito na lang talaga ako, anong magagawa ko? Wala naman akong pinagsisisihang malala. Ginagawa ko naman ang mga gusto kong gawin. Sinasabi ang mga gustong sabihin. Pinupuntahan ang gustong puntahan. Inaaway ang gustong awayin. Minamahal ang gustong mahalin.

Sulit naman ang buhay ko dahil nagmahal ako kahit pa paulit-ulit nasaktan. Ngayon nga, may umuusbong na namang panibagong pag-ibig… sana. Hindi na masama kung mababaril nga ako at mapapatay. Masaya ako.

Pero, tangama, ‘wag muna please. Gusto ko pang magmahal.

Advertisements