Banal na aso

by Sankage Steno

Sana yung ingay ng mga tao dahil sa kinatay na aso sa pelikulang Oro e ganun din kalakas pagdating sa mga kinakatay na Pilipino dahil sa war on drugs ni Duterte. Alam naman natin na mas mahalaga ang buhay ng tao kesa sa buhay ng isang aso, di ba? Ito ay kung susundin natin ang “great chain of being” o scala naturae (ladder of being) sa wikang Latin.

Ayon sa tanikalang ito, ang great chain ay nagsisimula sa pinakamataas, which is god. Sinusundan ito ng mga anghel, mga demonyo, mga tala, buwan, hari, prinsipe, dugong bughaw, karaniwang tao, maiilap na hayop, maaamong hayop, puno, halaman, mahahalagang bato, mahahalagang bakal at iba pang mineral.

Pero kahit naman hindi ka naniniwala sa great chain na ‘yan, siguro naman sasabihin sa ‘yo ng instinct mo na mas dapat pahalagahan ang buhay ng tao kesa sa buhay ng hayop.

Kung sang-ayon ka sa sinasabi ko, bakit hindi ka nagagalit sa nangyayaring extrajudicial killings sa bansa? O kung galit ka, bakit ang tahimik mo?

Hindi mo ba alam na sa sitwasyon ng pang-aabuso, kapag tumahimik ka, lalo mo lang tinutulungan yung abusado sa kanyang pang-aabuso? Hindi kailanman natulungan ng pananahimik ang taong (o ang hayop na) inaabuso. Iyon ang dahilan kung bakit maingay ako sa blog at sa social media pagdating sa mga pinapapatay ni Duterte (at sa kapalaluan ng mga Marcos).

Sasabihin mo, “E bakit sa isyu ng ganire, ng ganyan, hindi ka nag-iingay?”

Ang sagot: Nag-iingay ako, baka hindi lang kasinlakas ng ingay na ginagawa ko pagdating sa EJK. Pinipili ko lang ang mga laban na sasalihan ko. Hindi ko naman kayang labanan lahat.

Sasabihin mo naman, “E di ganun din ako. Mas pinili ko lang ipaglaban yung aso. I choose battles that I know I can win.”

Ang masasabi ko lang: Can you hear what you’re saying to yourself? Since when have you forsaken humanity? At babalik na naman tayo sa umpisa kung saan nabanggit ko ang great chain of being.

Sumatotal, kung na-offend ka sa pinatay na aso sa Oro, dapat mas ma-offend ka sa mga pinapatay na mahihirap, sa “collateral damage,” sa mga inosenteng biktima dahil sa war on drugs. Magalit ka sa mga pulis, sa mga vigilante group, kay Duterte.

Kung aso lang ang kaya mong ipaglaban, sana kaya ka ring ipaglaban ng mga aso.

Advertisements