Muntanga

by Sankage Steno

1) Isang linggo nang nangangati yung mga palad ng kamay at paa ko dahil yata sa lamig. Di ako sigurado. Ang ginawa ko bilang tugon, nag-google ako kung paano matatanggal yung frontal lisp ko. Hassle kasi s’ya kapag kumakanta ako o nagsasalita sa harap ng maraming tao. Ayun, makati pa rin yung mga palad ko.

2) Hirap akong matulog sa gabi lalo na kapag maraming tumatakbo sa aking isip. Kaya ang ginagawa ko, nagpu-push up ako sa kwarto, saka nag-i-squat hanggang sa bumilis lalo ang tibok ng puso ko at mag-release ang katawan ko ng sangkaterbang endorphins. Ayun, insomniac pa rin ako.

3) May nalalapit akong trip sa ibang bansa at wala pa akong pera para makapag-splurge dun sa pupuntahan ko. Ang ginagawa ko ngayon, panay ang bili ko ng masasarap na pagkain kasi ayokong bumaba ang blood sugar o serotonin levels ko sa katawan. Lalo akong magiging moody. Ayun, wala pa rin akong pocket money.

Marami akong ginagawa sa buhay na magkasalungat o hindi nagtutugma. Alam ng utak ko kung ano ang dapat gawin, pero yung kabaligtaran pa rin ang gagawin ko. Alam kong ito ang tama o naaangkop sa isang sitwasyon, pero hindi ko susundin ang sarili kong payo.

Ganito ko kung patakbuhin minsan ang aking buhay: incongruous.

Iniisip mo siguro, tanga ako. O kaya naman, sasabihin mo, normal lang ‘yan. Ganyan din ako e. Para sa iba, siguro ang tingin nila sa akin e nagpapakatao lang. Kasi kung susundin ko ang lahat ng instruction ng utak ko, wala na ‘kong ipinagkaiba sa makina o sa robot. (When, in fact, isip ko rin naman ang gumagawa ng mga kabalintunaang ito.)

Ganito rin nga siguro yung pag-iisip ng 16 milyong bumoto sa berdugo sa palasyo, pati na rin dun sa anak ng diktador. Hindi lingid sa kanilang kaalaman ang mga pagpatay at pagnanakaw na kakambal ng mga nasabing personalidad, pero itinuloy pa rin nila ang pagpili sa kanila.

Mga tao talaga. Mga nakakamanghang nilalang.

Kapag napapadpad ako sa ganitong muntangang sitwasyon, nakakampante ako sa pag-iisip na pagtatawanan ko na lang ang mga ‘to balang araw, na magiging trivial na lang sila sa ‘kin. Ang sinusubukan ko na lang i-master ngayon e kung papa’no ko patatawarin ang sarili nang paulit-ulit sa mga paulit-ulit ko ring kabalintunaan.

 

Advertisements