Sinusulit

by Sankage Steno

Dinalaw ko nung isang araw yung lilipatan naming opisina dito sa Makati kahit palaisipan pa rin sa akin kung bakit kailangan naming umalis dito. Sobrang ganda kaya ng view sa workplace ko ngayon. Kita ko yung park sa baba saka yung mga ibong lumilipad. Alam ko rin kung uulan ba o umuulan sa labas.

Dun kasi sa bago naming opisina, bukod sa parang may lalabas na zombie anytime sa mga sulok ng luma nitong building, wala rin s’yang bintana. So kung halimbawang lalabas ako para mag-lunch, wala akong ideya kung umuulan ba o hinde. Para sure, dapat bitbit ko palagi yung payong ko.

And speaking of lunch, wala akong nakitang jollijeep na malapit. Ang pinakamurang kainang nakita ko e Jollibee, jusmiyo. Puro fastfood yung nasa palibot ng bago naming building. Meron daw food hall sa sixth floor pero di ko pa nache-check. At kung tama yung na-google ko, may kamahalan din ang presyo ng mga pagkain n’ya.

Ang isa pang ayaw ko dun sa bago naming office e sobrang lakas ng aircon. Siguro yung ibang tao gusto ‘yon, pero weakness ko kasi ang lamig. The cold really bothers me anyway. Lol. Ano raw? Mas kaya kong magsulat kapag mainit kesa kapag malamig. Although madali namang remedyohan ‘to. Magdadala na lang ako ng coat o jacket at iiwan ko sa upuan ko.

Finally, hindi ko gusto yung bago naming office kasi mapipilitan na ‘kong sumakay ng bus araw-araw. Yun kasing opisina ko ngayon, nilalakad ko lang araw-araw papasok at pauwi. Nasa 40 to 45 min one way. Yun na yung exercise ko bale kasi nga magdamag naman akong nakaupo lang kapag nagtatrabaho. E ngayon, di ko na magagawa ‘yon. Magiging obese na ‘ko, shet.

Kaya talagang sinusulit ko na ang mga huling araw ko rito sa minamahal kong workplace. Lagi na ‘kong tumutulala sa labas para tanawin yung parke at yung mga ibon. Lagi na ‘kong nakikipag-usap sa mga kaopisina kong maiiwan dito (ilan lang kaming malilipat, I don’t know why). Lagi na ‘kong kumakanta sa CR kasi baka di na ‘ko makakanta sa mga tao rito ‘pag party.

At lagi ko na ring tinatanaw yung crush kong hindi ko makakasama sa paglipat.

Advertisements